Hindi makapagtapat
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Addy. Last year mayroon akong kapit-bahay na naging malapit kong kaibigan. Gusto ko siyang ligawan pero nahihiya ako. Hindi ko alam kung bakit kapag kaharap ko siya ay umuurong ang dila ko na magtapat sa kanya. Very close siya sa akin. Lagi siyang natatawa sa mga jokes ko. Kapag may problema siya sa school, ako ang una niyang kinakausap. Sinasabi pa niya sa akin kapag may mga manliligaw siya. Wala pa siyang bf dahil wala raw siyang type. Hanggang ganoon lang ang relasyon namin. Sinasabihan niya ako ng problema niya. Kung minsan gayundin ako. Hanggang sa nagpaalam siya sa akin. Pupunta na raw sila sa Amerika at naibenta na ang kanilang bahay. Pinilit kong maglakas-loob pero hindi pa rin ako nakapagtapat. Nakaalis na sila ngayon at hindi ko alam ang address nila sa Amerika. Nagsisisi ako ngayon kung bakit hindi ko nasabing mahal ko siya. Alam ko na gusto rin niya ako. Anong dapat kong gawin?
Dear Addy,
Wala ba siyang Facebook o e-mail address? Siguro nama’y mayroon siyang account. Moderno na ang panahon natin kaya madali na nating mahanap ang mga kamag-anak o kaibigan. Kung wala naman siyang FB o e-mail add, baka may kakilala kang mga kamag-anak niya. Kung makuha mo, sulatan mo siya. Siguro naman ‘yung hindi mo masabi ng harapan ay maipagtapat mo na sa kanya sa sulat.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest