Ang babaing kinakain ang lahat (87)
SA TINDI ng gutom, pati rehas na bakal ng selda ay kinain ni Tatiana. Bago pa nagawang barilin ng mga pulis, mabilis nang nakatakas muli ang babaing super-takaw.
Nang-agaw siya ng ibang kotse. Hinila ang lady driver. “Baba diyan, miss! Kailangan ko ang sasakyan mo!”
“Eeee! Carnapper! Tulooong!”
BRUUUMMM. Mabilis nang nakalayo doon si Tatiana.
Tinted ang kotseng dala ni Tatiana, hindi siya basta makikita ng mga tao sa labas. Ayaw na niyang magpalit ng mukha hangga’t maaari. Mahal niya ang kanyang hitsura.
“Saan kaya ako pupunta?” tanong ni Tatiana sa sarili, nakangisi. “Nae-enjoy ko na ang pakikipagtaguan sa mga pulis”.
Sa himpapawid, napatingala sa nagdaraang eroplano si Tatiana.
Lumikha iyon ng higanteng anino sa loob ng ‘sansaglit.
Nagliwanag ang mukha ng babaing laging gutom. Bigla’y alam na niya kung saan pupunta.
Sa pinakamalapit na international airport sa Kabisayaan.
Pinaspasan pa niya ang pagpapatakbo sa inagaw na kotse. BRUUUMM.
Muntik-muntikang mabangga ng mga kasalubong. Muntik ding makasagasa ng mga pedestrians.
“Eeee!” tili ng magnanay na tumatawid, ga-hibla na lang ang layo sa humagibis na kotse ni Tatiana.
“Kaww! Aaakk!” Isang asong gala ang minalas na magulungan, napisak ang katawan.
Naghingalo ito, awang-awa ang mga tao.
Sagad ang galit nila sa babaing manyak kung mag-drive.
“Mamatay ka na sana!”
“Kunin ka na sana ng dimonyooo!”
SA PERIMETER fence ng airport palihim na nakapasok si Tatiana. Kinain niya ang mismong bahagi ng bakod at doon nagdaan.
May eroplano sa runway, nagte-take off na; paangat na ang mga gulong sa sementadong lupa. RROOORRR.
Hinabol ito ni Tatiana, nakapangunyapit sa gulong. (ITUTULOY)
- Latest