Hindi sure sa ka-live-in
Dear Vanezza,
May ka-live-in po ako at magta-tatlo na ang aming anak. Masasabi ko na bagaman dumaraan din sa pagsubok ang aming relasyon, dama ko po na tunay ang pagmamahal ng aking partner sa akin. Ang problema po hanggang sa kasalukuyan ay hindi ko pa rin matiyak na siya na ba talaga ang nais kong makasama hanggang sa pagtanda. Maraming pagkakataon po kasi na nahuhumaling pa ako sa iba. Binata naman po ako at walang sabit. Maging ang aking mga magulang ay paulit-ulit na akong inuusisa kung ano raw ang balak ko sa kinakasama ko. Ang totoo po ay hindi ko pa ito masagot hanggang ngayon, Hindi ko po intensyon na maging unfair sa aking partner at sa 3 naming anak. Ang natitiyak ko po ay hindi ko kayang dayain ang aking sarili. Nasa probinsiya po ang pamilya ng partner ko at alam ko na naghihintay din sila ng kung anong aksiyon ang gagawin ko para sa kanilang anak. Nalilito na po ako kung ano ang gagawin ko. - Vhon
Dear Vhon,
Naka-3 anak ka na sa kinakasama mo pero wala kang katiyakan kung gugustuhin mong bigyan ng pangalan ang mga bata. Sana nagpakasawa ka muna sa pagiging binata bago ka pumasok sa pagkakaroon ng anak. Dahil hindi ikaw ang nalugi kundi ang babae, lalo na ang inyong mga anak. Kung tutuusin wala ka na sa estado ng pamimili kung ano ang dapat mong gawin. Ang kailangan mong gawin ngayon ay kumilos para mapanindigan ang iyong ginawa. Oras na para magpakalalaki ka. Panagutan mo siya at isipin ang future ng mga bata.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest