Ang babaing kinakain ang lahat (70)
KITANG-kita ng mga turista ang pagkain-pagkagat ni Tatiana sa buhay na butanding.
Nagtilian-nagsigawan ang mga ito, lagim na lagim, awang-awa sa maamong higante ng dagat.
Naubos ni Tatiana ang butanding saktong isang minuto.
Nai-video iyon ng mga turista, nakarating agad sa social media pati sa radyo at telebisyon.
Sa laot ng dagat, sinundan agad ng helicopter ang babaing kumakain ng butanding. May dalang high-powered firearms ang mga lulan, handang paputukan ang pangunahing kaaway ng bansa.
Mga conservationists ang mga taong ito, galit na galit sa umaabuso sa balance ng kalikasan.
Mas tamang sabihing animal lovers din ang mga nasa helicopter. Hindi nila mapapatawad ang tulad ni Tatiana.
“Hayun!” sigaw ng lalaking nasa helicopter, nakatuon ang largabista o binoculars sa babaing nasa gitna ng dagat.
Ginamitan nila ito ng megaphone. “SUMUKO KA NGAYUNDIN, BABAE!”
Tumingala sa kanila si Tatiana, nakangising binigyan sila ng dirty-finger sign at kontra-sigaw. “MGA ULUL!”
Sumagad ang pagkapikon ng mga nasa helicopter. Galit na galit na sila kay Tatiana.
Pinaulanan nila ito ng bala.
KAPOW-KAPOW. BANG-BANG-BANG. PRAK-PRAK-PRAKK.
Si Tatiana, sa ibabaw ng dagat ay nawala.
Wala namang ebidensiya na napatay na nga ito.
“Siyet! Paano kung nakasisid lang ang hayup na babaing ‘yon?” gigil na sabi ng pinakalider.
AGAW-LIWANAG, nagsisigawan ang mga mangingisdang galing sa laot. “MGA KABAYAN, MAGSIGISING!” Nahuli nila sa matibay na lambat ang babaing kumakain ng lahat.
(ITUTULOY)
- Latest