Ang babaing kinakain ang lahat (22)
“PAKAKAININ mo si Tatiana ng isang truck na graba, ha, Almario?” gigil na tanong-usig ni Sofia sa mister. “Ganoon ka na ba talaga kagalit sa anak ko?”
Napahugot ng malalim na hininga ang banker-negosyante. “Hindi dapat mahalin si Tatiana, Sofia. Salot siya ng lipunan”.
“Salot ng lipunan? Almario, nakakulong dito sa bahay ang anak ko—maghapon-magdamag!
“Tayo lang ang kasambahay niya! Pati nga mag-hire ng maids ay kinalimutan ko na!
“Hindi tayo lipunan, Almario!”
“Whatever. Basta claro na nasisira na ni Tatiana ang normal na buhay nating dalawa, Sofia...”
Totoo naman iyon. Si Sofia ay ilang araw nang absent sa pagtuturo sa paaralan. Kung anu-ano na ang excuses sa school admi-nistration.
At si Almario, di ba nga hindi ito makapag-report sa opisina? Kasi’y takot na mas matitindi pang problema ang idudulot ng babaing taga-ibang planeta; ng dalagang anak ni Garnuk.
Nanindigan ang padre de pamilya. “Darating na ang isang truc-k na graba. Ibubunton sa loob ng ating bakuran.
“Iyon ang kakainin ni Tatiana!”
Hindi makaimik ang mag-inang Sofia at Tatiana; ewan kung dahil pulampula na sa galit si Almario.
Posibleng takot si Sofia na atakihin sa puso ang mister.
Napakalaki naman ng posibilidad na hinihintay ni Tatiana na matigok sa inis ang ama-amahan; kontrapelo talaga ang dalawa.
“Anak, du’n tayo sa kusina”.
Sumunod naman agad sa ina si Tatiana. “Bakit po, Mommy?”
“Magluluto ako. Tuturuan kitang kumain ng masasarap na putahe, Tatiana, anak”.
Umaliwalas ang mukha ng babaing taga-ibang planeta. “Wow! Makakakain na pala ako ng pagkain ninyo, Mommy!”
SA LIVING room, naiwang nagngingitngit sa kunsumisyon si Almario. Gusto niyang sumigaw. Gusto ring sakalin na ang sariling leeg.
Dalawang kamay na sinakal niya ang leeg.
“A-ak-aakk...” Nangapos ang kanyang hininga, nais lumuwa ng mga mata, lawit na ang dila. (ITUTULOY)
- Latest