Natatakot maagaw ang anak
Dear Vanezza,
Isa po akong binatang ama. Bago ako nakulong mayroon akong isang babaeng naka-live-in at nagkaroon kami ng isang anak. Naging maayos naman at masaya ang aming pagsasama hanggang sa may nakilala siyang lalaki at nagtanan sila. Naiwan ang aking anak sa aking poder. Para sa akin, kung saan siya maligaya hindi ko siya pipigilan basta sa akin ang aming anak. Pero sadyang mapagbiro ang tadhana. Nakulong ako kaya naiwan sa aking kapatid ang aming anak. Na siya namang pagsulpot ng aking ka-live-in. Umiiyak na humihingi ng tawad. Nais niyang buuin muli ang aming pamilya. Hihintayin daw niya ang aking paglaya. Ipinangako niyang aalagaan ang aming anak at maghahanap ng trabaho para mayroon siyang maipantaguyod sa aming anak. Kakalimutan ko na sana siya pero nang magkausap kami nakalimutan ko na ang ginawa niya at gusto ko siyang yakapin. Ano po ang mabuti kong gawin? Hindi kaya lokohin uli ako at kunin ang aming anak? Urong-sulong ako sa pagpapasya. - Marky
Dear Marky,
Hindi masama ang magpatawad at magbigay ng ikalawang pagkakataon sa iyong live-in partner para maibangon niya ang nawasak ninyong tahanan. Subukan mo na muling pagkatiwalaan siya alang-alang sa inyong anak. Kailangan ng inyong anak ang isang ina para matiyak na maaalagaan siyang mabuti habang nakakulong ka. Andyan naman ang iyong kapatid na aalalay para matiyak na hindi ilalayo ang bata sa’yo. Hindi lang ang sa pagitan ninyo ng iyong live-in ang dapat mong ikonsidera kundi higit sa lahat para sa inyong anak.
- Latest