Napatawad na ang ama
Dear Vanezza,
Nang makulong ang aming ama, sa halip na malungkot unang pumasok sa isip ko ay naka-graduate na sa pagiging punching bag ang nanay ko. Sa kabila ng lahat, mahal pa rin ni nanay si tatay. Palagi niya kaming sinasabihan na irespeto namin ang aming mga magulang kasama na si tatay. Lumipas ang mahigit 15 taon, nabigyan ng parole si tatay. Bukod sa pagpapakita ng mabuti sa piitan, napalaya si tatay dahil mayroon siyang malalang sakit sa puso. Ikinabigla ko nang muli kaming magkita. Laglag na ang katawan niya at wala na ang malakas na boses. Naging bed ridden siya. Hindi nagtagal namatay din si tatay. Nawalan man kami ng ama, nagpapasalamat ako na naging buo ang aming pamilya kahit sa huling sandali. Wala na rin ang galit sa aking puso. Napatawad ko na ang aking ama at nasabi ko sa kanya na mahal ko siya at ng aking mga kapatid bago siya binawian ng buhay. Sa ngayon, pinatigil na namin sa pagtitinda ang nanay namin. Hindi pa rin ako nag-aasawa. Gusto kong mapagtapos muna sa pag-aaral ang aming bunso. - Riko
Dear Riko,
Mabuti kang anak at kahanga-hanga rin ang iyong ina sa dakila niyang pagmamahal sa inyong ama. Tama ang ginawa mong pagpapatawad. Ama niyo pa rin siya at utang ninyong magkakapatid ang inyong buhay sa kanya. Anuman ang naging pagkakasala niya sa iyong ina ay pinagsisihan na niya. Magsimula kayong muli at kalimutan na ang mapait na pinagdaanan. Masuwerte ang nanay mo sa pagkakaroon ng anak na tulad mo. Natitiyak kong magiging isa ka ring mabuting asawa at ama ng iyong magiging anak.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest