The ghost of ‘Padre Tililing’ (59)
SANAY sa barilan at patayan ang mga bandido pero hindi sa multo. Nang makita nilang dadaluhungin sila ng multo, nawala talaga ang kanilang tapang. Namayani ang napakatinding takot.
“AAAHHH!”
“EEYAAHHH!”
Pati kabayo nila ay natakot, nag-aalma.
Ang ilan sa kanila ang nasipa ng mga kabayo. TUGG. TAGG.
Nagtatakbong palayo ang mga bandido at mga kabayo.
Napabuntunghininga si ‘Padre Tililing’. Minasdan si Simon na nakalupaypay, nakagapos.
Buhay pa ba ito? May limitasyon ang kapangyarihan ng mabait na multo.
Maingat niyang pinulsuhan si Simon; dinama ang dibdib kung humihinga pa.
Napalunok si ‘Padre Tililing’. Napaantanda.
“Napakahina na ng tibok ng puso niya. Kailangang maisugod sa ospital,” sa loob-loob ng ‘padre’.
Nilipad agad ni ‘Padre Tililing’ ang bahayan ng mga mangingisda.
Isang matandang babaing bulag ang binulungan. “Aling Mireng, kailangan ko po ang tulong ninyo. Ako po si Padre Tililing.”
Himalang hindi natakot sa kanya ang bulag. “A-ano ang maipaglilingkod ko, Padre?”
Sinabi ng ‘padre’ na dapat maisugod sa ospital ang mister ni Miranda.
Isinigaw agad iyon ng matandang bulag. “MGA KAPITBAHAY, AGAW-BUHAY SI SIMON NA ASAWA NI MAM MIRANDA! TULONG! TULOOONNGG!”
Nabulabog ang mga katabing-bahay ni Aling Mireng, kanya-kanya nang takbo sa niyugan. Noong hindi pa nagkakahiwalay sina Simon at Miranda ay nabiyayaan din sila ng grasya ni Miranda; namudmod sa kanila ng pera at mga de-lata si Miranda.
Iiling-iling si ‘Padre’, alam na ga-hibla na lang ang hininga ni Simon. ITUTULOY .
- Latest