Isinasaalang-alang ang mga anak
Dear Vanezza,
Isa po akong probinsiyana bago napadpad dito sa kamaynilaan at nakapasok bilang tindera. Dito ko nakilala si “Ogie”, isang pedicab driver. Naging magkaibigan kami. Hanggang manligaw siya sa akin. Dahil nahulog na rin ang loob ko sa kanya nagsama kami bilang mag-asawa at nagkaroon ng dalawang anak. Pero hindi nagtagal ay naging bugnutin siya. Madalas na kaming mag-away. Naging magulo ang aming pagsasama at apektado pati aming mga anak. Nadiskubre ko na ang dahilan ng pagbabago niya ay may iba na siyang ibinabahay. Dahil dito, nakipaghiwalay ako. Ngayon ay may lalaking nagpapahiwatig sa akin. Naguguluhan ako kung paano ang magiging sitwasyon ng aking mga anak kung magkakaroon ako ng bagong pag-ibig. - Bessy
Dear Bessy,
Huwag mong ipagkamali ang nararamdaman mo sa pangungulila sa iyong asawa. Dapat mas maging matalino ka ngayon. Bago ka pumasok sa panibagong relasyon, tiyakin mo muna na responsable ang lalaking nagpapapansin sa iyo at magiging mabuting asawa at ama sa iyong mga anak. Kung magiging miserable lang ang buhay mo, paglaanan mo na lang ng magandang buhay ang iyong mga anak at tiyakin na may magandang kinabukasan pa ang naghihintay sa inyong mag-iina.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest