The ghost of ‘padre tililing’ (52)
“ALAM ko ang gusto mo, Carlo,” nakangiting sabi ni Miranda sa multo ni ‘Padre Tililing’. “Gusto mong kum--?”
Kusang ibinitin pa ng pilya ang sasabihin.
Si ‘Padre’ na ang nagtuloy. “Gusto ko ngang kumain ng saging, Miranda, kaso ayoko ng ganyang over-ripe. Gusto ko’y ‘yung mapakla, medyo hilaw.”
Napahagikhik si Miranda. “You are funny, Carlo, naaaliw ako sa iyo.”
Walang babalang niyakap ni Miranda ang kaluluwa, nadama ang malamig na presencia nito.
“I love you, Carlo. Mahal na mahal kita, always and forever,” maluha-luhang sabi ni Miranda.
Dinig ni Aling Desta mula sa kalapit na kusina ang sinasabi ni Miranda, pero hindi niya naririnig ang sabi ng multo.
Napailing ito.
“Nalintek, nabuang na yata si Mam Miranda,” sa loob-loob ni Aling Desta, sa isipan lamang.
“Aling Desta, sandali!”
Lumapit agad ang katulong-tagaalaga. “Yes po, Madam?”
“Ikuha ako ng saging na mapakla at hilaw-hilaw. Dalawa.”
“Make it three, Miranda, please.”
“O, gawin mo raw tatlo, Aling Desta.”
“O-opo po, Mam.” Lalong kinilabutan si Aling Desta. Nagmamadaling naghagilap ng hilaw na saging.
“Heto na po, garantisadong hilaw na mapakla.”
“Heto na ang saging mo, Carlo.” Inilapag ni Miranda sa tapat ng inuupuan ng ‘padre’ ang prutas.
Kitang-kita ni Aling Desta nang kusang umangat at nabalatan ang saging.
Nanayo ang balahibo nito, daig pa ang nakakita ng multo. “A-a-aa...aa-aa.”
Saway agad si Miranda. “Carlo, huwag kang manakot.” (ITUTULOY)
- Latest