Kaibigan lang pala
Dear Vanezza,
May minahal akong lalaki, pero kaibigan lang ang turing niya sa akin, Kinakapatid ko siya. Inaanak siya sa binyag ng tatay ko. Noong una’y inakala kong may gusto siya sa akin dahil close kami. Napakabait niya, malambing at ang closeness namin ay parang mag-on. Akala ko noon ay may mutual understanding na kami. Pero labis akong nasaktan nang sabihin niya sa akin na mag-aasawa na siya. Naiyak ako at hindi ko siya kinausap. Nang tanungin niya ako ay sinabi ko ang tunay kong damdamin sa kanya, na mahal na mahal ko siya. Nagulat siya at sinabing parang tunay na kapatid lang ang turing niya sa akin. Naikasal na siya pero masakit pa rin para sa akin ang nangyari. - Ms. U
Dear Ms. U
Nabigyan mo ng maling interpretasyon ang closeness sa iyo ng iyong kinakapatid. At ngayong nalaman mo ang totoo, magpakatotoo ka rin. Ibig sabihin, tanggapin mo ang masaklap na katotohanan na wala siyang gusto sa iyo at ang pagtrato niya ay bilang kapatid. Masakit pero kung minsan kailangan nating masaktan dahil iyan ang nagpapatatag sa ating pagkatao. Ang mga dalamhating nararanasan natin ang siyang huhubog sa ating karakter. Mabuting limutin mo na siya at huwag magmukmok. Hindi tumitigil ang inog ng mundo dahil lang sa kasawian. Maghihilom din ang sugat sa puso mo at makakapag-move on.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest