The ghost of ‘padre tililing’(2)
MATAPOS sampalin ni Miranda sa kanang pisngi, inihantad ni Padre Tililing ang kaliwa.
“Ang corny mo!” sigaw ni Miranda sa lalaking nagpapakabanal. “Umalis ka na sabi sa teritoryo ko! “
“Mamamatay na muna ako bago mo ako mapaalis dito, Miranda. Magandang araw sa iyo,” sabi ni Padre Tililing.
Tinalikuran na niya si Miranda, papasok na sa simpleng bahay sa tabing-dagat.
Lalong napikon si Miranda. “Isang bala ka lang, pekeng padre!”
Lumingon sa smuggling queen ang self-proclaimed preacher.
Binasbasan si Miranda ng sign of the cross.
“Aaah!” gigil na sigaw ni Miranda.
Sa inis ay nagpaputok ng baril. BANG.
Sa bubong ng bahay ng ‘padre’ tumama.
Hindi man lang nagalit ang preacher. Payapa nang pumasok sa bahay.
Nakabusangol ang mukha na umalis na rin si Miranda.
Andap na sumunod sa kanya ang mga tauhan, pabalik sa malaking bahay sa dulo ng dalampasigan.
Sakay sila ng mamahaling sasakyan. Bruuumm.
NAKIPAGPULONG kay Padre Tililing ang mga mangingisda.
Pinakain sila ni ‘Padre’ ng bagong lutong puto at mainit na kape. May dalawang katulong na lalaki si ‘Padre’.
“Nais po naming tutulan ang pananakot na ginawa sa inyo ni Miranda, Padre. Kaso po, kami ay takot sa kanya.” Ang may-edad na mangingisda ang tagapagsalita ng grupo.
“Mga kapatid sa pananampalataya—kunin sa dasal ang marahas, huwag sa dahas,” sabi ng ‘padre’.
Ang pagpupulong ay naging positibo. “Idadasal din po namin na sana ay bumait si Miranda, Padre.”
“Marapat lamang, mga kapatid, walang imposible sa Kanya.”
May takdang maganap sa dagat. (ITUTULOY)
- Latest