Niloko ni Misis
Dear Vanezza,
May asawa ako na minahal ko ng tapat at ibinigay ang mga kapritso. Mas matanda ako sa kanya ng 10 years. Kapag may gusto siya na hindi ko napagbigyan, nagagalit siya at parang bata na hindi ako kinakausap. Pati dalawa naming anak ay idinadamay n’ya pag mainit ang ulo. Ang lahat ng ito ay natitiis ko at napapagpasensiyahan. Inudyukan nya akong mag-abroad para raw mas makaipon kami. Pinagbigyan ko siya at 10 taon din akong nawalay sa kanila. Subalit isang masaklap na pangyayari ang dumating sa buhay ko. Nagtext sa akin ang isang kaibigan na may lalaki raw ang asawa ko. Kung gusto ko raw silang mahuli sa akto ay umuwi ako. Umuwi ako ng hindi alam ng aÂking pamilya. Tumuloy ako sa aking kaibigan at isang linggo akong nagmatyag sa aming bahay. Tuwing nasa school pala ang mga bata ay nagpupunta ang kalaguyo n’ya. Dahil may sarili akong susi ng bahay ay nakapasok ako at dumiretso sa aming kuwarto. Dito ko nahuli ang misis ko at lalaki n’ya sa aktong nagtatalik. May dala akong baril nuon subalit napigil ko ang aking sarili. At bago ko pa sila mapatay ay mabilis silang umalis. Sabi ng mga anak ko, matagal na raw itong ginagawa ng kanilang Mama. Sa ngayon ay hindi na ako bumalik pa sa abroad at ako na ang tumatayong ina sa aking mga anak. Wala na rin akong balak na makipagbalikan pa sa misis ko at hindi na rin siya hinahanap pa ng mga bata. Binabalak ko na ring ipawalambisa ang aming kasal upang maging maayos ang aming paghihiwalay. - Alden
Dear Alden,
Mabuti at hindi mo dinungisan ang mga kamay mo para iganti ang iyong kaapihan. Mabuti na lang at nangibabaw ang katinuan ng isip at pagrespeto sa buhay ng tao. Wala kang pagkukulang sa pamilya, bilang asawa at ama. Ang nagkulang ay ang iyong asawa na maaaring masyado mong pinalayaw at pinag-ukulan ng pagmamahal. Malimit ang sobrang pagmamahal ay inaabuso. Pero, sana ang karanasan mong ito sa asawa mo ay hindi maging daan para mawalan ka na ng tiwala sa iba pa. May karapatan ka ring lumigaya sa iba na magmamahal sa iyo ng lubos at rerespeto bilang asawa
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest