Hindi matanggap si Inday
Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa pangalang Inday, 23, isang kasambahay. Masipag ako sa trabaho at mahal na mahal ko ang aking mga amo hanggang sa naging masungit sila sa akin ng malaman nilang nililigawan ako ng anak nilang binata. Mabait po ang anak nila at graduating na sa college. Ni minsan po ay hindi niya ako binastos o pinakitaan na gusto lang niya akong angkinin. Sabi niya gusto niyang patunayan na seryoso siya sa akin. Hindi ko pa siya sinasagot pero naging malapit kami at nahalata ito ng amo kong babae at ngayo’y nagsimula ang aking problema. Pinalalayas na ako ng aking amo at binigyan na ako ng hanggang sa katapusan ng buwang ito. Naiyak ako ng sobra. Nang malaman ito ng anak nila, sabi niya susundan niya raw ako kahit saan ako magpunta. Sa ngayon ay wala akong alam na puntahan kundi ang bahay namin sa Samar. Natatakot naman akong mamasukan sa iba dahil baka hindi ako makatagpo ng among mabait tulad nila. Ano pong gagawin ko?
Dear Inday,
Kung pinalalayas ka ng ng amo mo, wala kang magagawa. Kung balak mong umuwi ng Samar, marami namang paraan para magkaroon pa rin kayo ng komunikasyon through cell phone. Pwede mo ring ibigay sa kanya ang iyong address sa probinsiya. Basta’t huwag mong hayaang masira ang pag-aaral niya dahil sa pag-ibig niya sa’yo lalo na’t magtatapos na siya next year. Kung minsan ang paglalayo ng dalawang nagmamahalan ay nagsisilbing pagsubok kung tunay at tapat ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Kung sa paglipas ng mga araw ay nakalimot na o nanamlay sa pagtawag o pag-text ang sinuman sa inyo, nangangahulugan na hindi kayo para sa isa’t isa. Huwag mo itong damdamin at harapin ang buhay dahil marami pang magagandang pangakong naghihintay sa’yo sa kinabukasan. At kahit nasa probinsiya ka, sikapin mong makapag-aral, tutal bata ka pa at naniniwala akong maigagapang mo ang iyong sarili. MaraÂming mga vocational o short courses na maaari mong pasukan para magkaroon ka ng magandang pagkakakitaan sa hinaharap.
- Latest