Bagong kasal, gusto ng makipaghiwalay
Dear Vanezza,
Pakitago na lang ako sa pangalang Dane. Gusto ko ng makipaghiwalay sa asawa ko sa dahilang iba ang tunay na minamahal ko. Nagpakasal ako sa kanya may ilang buwan pa lang sa pag-aakalang matututunan ko siyang mahalin at kalimutan ang aking tunay na mahal. Pero hindi ko pala kayang ibigay ang sarili ko sa kanya. Ngayon po, iniisip kong makipaghiwalay na lang habang wala pang nangyayari sa amin para makasama ko na rin ang tunay kong mahal. Natatakot rin po ako dahil hindi ko alam kung kakayanin ko ang mga sasabihin sa akin ng pamilya ng asawa ko. Pero ito ang iniisip kong mas mabuting paraan kesa pilitin ang aking sarili na makisama sa hindi ko na mahal at hintayin pa na maging lalong kumplikado ang lahat. Anong maipapayo mo?
Dear Dane,
Masalimuot ang problema mo. Unang-una, dapat mo munang ipa-annul ang una mong kasal at hindi madali iyan. Kahit may pera ka, daraan iyan sa proseso na maaring abutin ng taon. Hindi ko alam ang compelling reason kung bakit nagpakasal ka sa lalaking hindi mo naman pala mahal. Mahirap makisama sa taong wala kang nadarama ni katiting na pag-ibig. Sariling desisyon mo iyan. Pero kailangan mo munang magpa-annul bago ka makapag-asawa muli. Kung hindi, gagawa ka ng isang krimen na puwede mong ikabilanggo kapag idinemanda ka ng asawa mo. Mabuting sumangguni ka sa isang abogado para mabigyan ka ng payong legal.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest