Magtipid, pero gaganda pa rin
Normal na sa mga babae ang magpaganda. Kaya lang masisira naman ang budget mo kung palagi ka na lang tatambay sa loob ng parlor para lang magpa-facial, magpa-rebond, magpa-hot oil at iba pa. Ngunit may mga paraan naman para gumanda na hindi naman kinakailangan na gumastos ng malaki dahil sa kusina mo pa lang ay makakakuha ka na ng mga sangkap upang mas mapaunlad mo pa ang iyong itsura. Narito ang ilang tipid na paraan para gumanda.
Gamitin ang mga sumusunod:
1. Kalamansi at pineapple juice para paliitin ang mga ga-manhole mong pores sa mukha at mapantay ang kulay nito. Maaari mo din gamitin ang kalamansi para ipanlinis sa iyong mukha.
2. Gumamit ng asukal at lagyan ito ng kaunting tubig hanggang sa maging tila paste saka ikuskos ng bahagya sa iyong mukha at iba pang bahagi ng iyong katawan para ma-exfoliate o maalis ang mga dead skin o tuyong balat na siyang nagiging dahilan para magmukha kang matanda. Maaari ka din gumamit ng pinaghalong avocado at honey para lumambot ang iyong balat.
3. Kung tingin mo naman ay dry na ang iyong buhok, bakit hindi mo ito gamitan ng banana hair mask. Durugin lang ng husto ang saging hanggang sa maging tila paste din ito at saka ilagay sa iyong buhok. Banlawan matapos ang ilang minuto. Maaari din gumamit ng lemon at langis ng niyog para mapanumbalik ang dating sigla at kintab ng iyong buhok.
4. Kung ang problema mo ay ang tila mala-maletang laki ng pamamaga ng ilalim ng iyong mata, may solusyon naman dito na hindi mo kinakailangan na gumastos ng malaki sa pamamagitan ng pagpapaopera nito. Kumuha lang ng pipino at ilagay ito sa iyong mata 30-minuto bago ka tuluyang makatulog. Kung pangingitim naman ng paligid ng iyong mata ang iyong problema, patungan lang ito ng tea bags at presto!.. makikita ang magandang resulta nito.
5. Kapag palagi ka naman napuputulan ng kuko sa iyong daliri, ibabad lang ito sa olive oil ng 15-minuto hanggang sa isang oras at makikita mong malaking tulong ito.
- Latest