Inilihim ang madilim na nakaraan sa mister
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Debie, 30 years old, may asawa at dalawang anak. Noong araw ay may nobyo ako bago ko nakilala ang aking asawa. Siya ang una kong pag-ibig at minahal ko siya nang buong puso. Peo mapagbiro ang kapalaran. Nagkalayo kami nang papag-aralin siya ng kanyang mga magulang sa Amerika. Bago siya umalis ay nagtagpo kami na humantong sa aming pagtatalik na nagbunga ng sanggol. Hindi pa nagtatagal ang pangyayaring iyon nang makilala ko ang aking mister ngayon. Ginawa ko siyang panakip-butas para magkaroon ng ama ang aking dinadala. Agad ko ring ibinigay sa kanya ang aking sarili para mabuo sa paniniwala niya na anak niya ang dinadala ko. Buo ang paniniwala niyang sa kanya ang anak ko hanggang sa nagkaroon pa kami ng isang anak. Ngunit habang nagtatagal at nadedebelop ang pag-ibig ko sa kanya ay binabagabag naman ako ng aking konsensiya. Dapat ko bang ipagtapat sa kanya ang totoo?
Dear Debie,
Kung ipagtatapat mo ang totoo, dalawang bagay ang puwedeng mangyari, ang maunawaan ka niya o kamuhian dahil sa mahabang panahong panloloko mo sa kanya. Kung ipaglilihim mo naman sa kanya, habambuhay ka ring susumbatan ng iyong budhi pero ang kapalit ay kaayusan ng inyong pamilya. Kaya bago ka gumawa ng desisyon, timbangin mo ang sitwasyon. Handa ka bang sumbatan ng iyong budhi habambuhay habang nananatiling buo ang inyong pamilya o magsabi nang toto pero malamang mawasak ang inyong pamilya? Masyadong komplikado ang iyong problema kaya pag-isipan mong mabuti ang gagawing desisyon.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest