May nakakahawang sakit
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Pam, 24, may bf at taga Bulacan. Ang problema ko po ay inaalok na akong magpakasal ng aking bf. Mahal ko po siya at ako man gusto ko na ring lumagay sa tahimik. Ang problema ko po ay mayroon akong sakit na nakakahawa. Hindi ko po maipagtapat sa kanya na ako’y may Hepa B dahil natatakot ako na layuan niya ako. Sinabi rin po ng doktor na ito ay isang nakakahawang sakit. Nagbigay naman ang doktor ng gamot na iinumin ko at ginawa ko naman pero hindi pa ako gumagaling. Hindi ko naiinom ng tuluy-tuloy ang gamot dahil sa problemang pinansiyal. Ano kaya ang mabuti kong gawin? Dapat po bang sabihin ko sa bf ko ang kalagayan ko?
Dear Pam,
Hindi mabuting ilihim mo sa nobyo mo ang iyong kalagayan. Lilitaw at lilitaw yan sa loob ng inyong pagsasama at lalong mahirap na kamuhian ka niya kung kayo ay magkasama na. Hindi lang bf mo ang magagalit sa iyo kundi maging ang kanyang pamilya. Mas mabuti na ang tapat ka sa tunay mong kalagayan. Malay mo, baka tumulong pa siya sa pagpapagamot mo. Kung tunay ang pagmamahal niya sa iyo, hindi ka niya lalayuan kahit ka may karamdaman. Mas makabubuting sumangguni kayo sa ibang doktor para humingi ng second at third opinion. Huwag kang mag-alala sa gastos dahil mayroon namang mga libreng pagamutan na puwede mong lapitan para hingan ng tulong. Mas mabuti ang naaagapan sa pagpapagamot ang ganyang uri ng sakit kaysa lumala pa ito.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest