‘Pinaasa lang niya ako’
Dear Vanezza,
Nagkaroon po ako ng kasintahan kahit nasa loob ng bilangguan. Noong una sa pamamagitan ng pagsusulatan. Ang babaeng ito ay isang OFW. Nagkakilala kami dahil sa isang kapwa inmate ko dito sa loob na ang asawa ay nagtatrabaho sa abroad. Lumalim ang aming relasyon. Sa tuwing umuuwi siya sa bansa ay dumadalaw siya sa akin sa piitan. Ang akala ko nakatagpo na ako ng isang babaeng totohanang magmamahal sa akin sa kabila ng aking madilim na kahapon. Nagkamali pala ako. Tinutulan ang aming relasyon ng kanyang mga magulang at iba pang kaanak. Noong una, ipinaglaban niya ang aming relasyon. Hanggang sa dumalang na ng dumalang ang pagsulat at pagbisita niya sa akin sa kulungan. Sa ngayon, wala na kaming komunikasyon at ganap na ring naputol ang aming pagsusulatan. Bumigay na rin siya sa pagtutol ng kanyang pamilÂya. Naging masakit po sa akin ang karanasang ito. Talaga nga kayang wala nang pag-asa pang makabangon ang isang tulad kong bilanggo? Nagsikap akong makabangon sa kinalugmukan kong pagkakasala. Ang akala ko, magkakaroon ako ng isang magandang pagkakataong lumigaya sa kabila ng lahat. Pinaasa lang pala niya ako. - JJ
Dear JJ
Ituring mo na lang na talagang hindi kayo para sa isa’t isa. Huwag mo na rin siyang sisihin kung tuluyan siyang lumimot. Maaaring mas nanaig sa kanya ang paggalang sa kanyang mga magulang kaya kusa niyang sinikil ang kanyang sariling damdamin. Kahit naman wala sa piitan ang isang lalaki, hindi rin naman siya laging nakasisiguro na mauuwi sa kasalan ang pakikipagrelasyon niya sa isang babae. Nawala man siya sa iyo, natitiyak kong makakakilala ka pa ng iba na magmamahal sa’yo at makakasama sa habambuhay. Ang karanasan mo sa pag-ibig ang magpapatibay ng iyong dibdib na kung may dumating pang ibang pagsubok, makakayanan mo itong malusutan o malampasan. Huwang kang magmukmok dahil lang sa nabigo ka sa isang babae. Life must go on.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest