Hindi nagmamahalan ang mga magulang
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Roel. Ang problema ko ay tungkol sa aking mga magulang na sa tingin ko ay nagsasama na lang sa iisang bubong pero wala nang pag-ibig sa isa’t isa. Hindi namin alam ang problema nila. Ang tanging alam ko lang, may ibang babae ang father ko. Kung iisipin, parang pangkaraniwang problema lang ito na ang lalaki ay nagluluko. Napansin ko sa father ko na parang hindi na niya ako mahal tulad ng dati. Five years ago ay very close kami. Maligaya rin ang buo naming pamilya at alam kong nagmamahalan ang aking mga magulang pero nagbago ang lahat. I found out na may dahilan ang father ko para magbago. Hindi pala niya ako anak. Mismong mother ko ang nagtapat sa akin. Nang ikasal pala sila ay buntis na siya at ako ang sanggol na iyon. Sabi niya, biktima siya ng rape at hindi niya kasalanan ang nangyari. Hindi raw niya madadala sa kanyang konsensiya na magkimkim habang buhay. Pero dahil sa pangyayari, nagbago ang pagtingin ng aking father sa aming mag-ina. Sa kabila nito’y itinuturing ko pa rin siyang ama. May magagawa ba ako para magbalik ang dati naming magandang samahan?
Dear Roel,
Masakit para sa isang asawa na malaman ang ganyang lihim kahit ano pa man ang dahilan nito. Pero pagtulungan ninyong mag-ina na ipanalangin na sana’y magbago ang iyong ama. Ipakita mo rin na sa kabila ng lahat ay itinuturing mo pa rin siyang tunay na ama. Ang mga pangyayari ay hindi kasalanan ng iyong ina kaya sana’y maunawaan niya ito at magkaroon siya ng pusong mapagpatawad. Malaking sakripisyo ang ginawa ng iyong ina na ipagtapat ang isang pinakatagu-tagong sikreto. Kahanga-hanga ang kanyang ginawa. Pero tama ito. Ang paglilihim niya nang matagal na panahon ay isang mabigat na pasaning dadalhin niya hanggang sa hukay.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest