‘The Rainbow (7)’
HINDI maunawaan ni William kumbakit may rainbow silang nakita ni Donna gayung gabing walang ulan at napakadilim ng langit.
Nang makaalis na si Donna ay nagbalik sa lamay ng anak si William, ire-research niya sa internet ang tungkol sa kakaibang rainbow.
Nag-laptop siya, nasa tabi pa rin ng kabaong ni Tamara.
Nakumpirma niyang nagkakaroon lang ng panggabing rainbow kung napakaliwanag ng buwan at umuulan. Pero ito ay bihirang mangyari.
Takang-taka si William. “Moonless night, walang buwan, madilim ang gabi, walang ulan—paanong nagkaroon kanina ng rainbow?”
Napatanaw siya sa bangkay ni Tamara, naalala ang laging ikinukuwento ng batang babae. Tungkol sa rainbow—baka daw naroon ang mommy ng bata.
Baka naman nanaginip lang pala siya kanina, habang hinahatid sa kotse si Donna, dahil sa sobrang puyat?
Kinontak niya sa cellphone ang magandang biyudang kapitbahay. Nakatatlong ring bago ito sinagot ni Donna. “William, what’s up?”
“Nais ko lang tiyakin na hindi ako nanaginip nang gising, Donna—may nakita ba talaga tayong rainbow kanina?”
“Oo naman, kitang-kita natin sa madilim na kalangitan, William. Sayang nga, e, hindi ko napiktyuran.”
“Oo nga. Nang makaalis ka, bigla ring nawala ang rainbow.”
“Alam mo, wrong timing ang call mo, Will. Nasa banyo ako at nagsi-shower. Napatakbo tuloy ako sa cell ko nang walang anumang saplot, hubad na hubad! Hi-hi-hi!”
Napalunok si William. Inaakit ba talaga siya ni Donna?
“S-Sige na, thanks na lang sa confirmation. By the way, ni-research ko ang night rainbow. Kakaiba ang ating nakita—napakamahiwaga.”
“M-mahiwaga as in…gawa ng multo?” Halatang natakot si Donna.
“Not necessarily gawa ng multo. Posibleng mula iyon sa isang high-tech gadget, parang projector, na nakalikha ng fake rainbow sa sky. Alam mo naman, napaka-advance na ng technology ngayon…”
“Oo nga. Kung gayo’y walang dapat ipag-alala, William. Let’s go on with life. Pagkatapos ng pagluluksa mo kay Tamara, lumikha tayo ng makulay na buhay.”
“Bye, Donna. Sasamahan ko sa trahedyang ito si Tamara. Hindi talaga siya dapat isinama ni Mildred sa kabilang buhay…” (ITUTULOY)
- Latest