Parang luluwa ang mata ‘pag sumasakit ang ulo Regine, taun-taon nagpapa-MRI

Grabe pala ang hirap na pinagdaanan ni Regine Velasquez sa kanyang migraine ilang taon na ang nakararaan.
Sa panayam ni Asia’s Songbird sa vlog ni Ogie Diaz ay isa ito sa kanilang napag-usapan. Ayon kay Regine, nagsimula raw siyang magkaroon ng migraine when she was 35 years old.
“Mataas ‘yung tolerance ko for pain, but I have never felt anything like that,” aniya.
“‘Yung parang luluwa ‘yung mata mo, parang matatanggal lahat ng ngipin mo, ‘yung buong (ulo) mo masakit. ‘Yung araw, kahit nakapikit ka masakit siya, ‘yung sa sound,” paglalarawan ni Songbird sa pain na dinaranas niya noon.
Nangyari raw ito bago siya mag-menopause halos dalawang taon na ang nakalipas. Sa sobrang sakit, gusto na raw niyang tumalon sa bangin. “Imagine mo, every single day meron kang extreme pain. ‘Di ba gusto mong tumalon sa bangin? For the pain to stop, ginagano’n ko ‘yung ulo ko, nilulublob ko sa tubig ‘yung ulo ko,” kwento niya.
Ang masaklap pa ay wala raw painkiller na gumagana sa kanya. “Nasisira na ‘yung ulo ko. Sumisigaw na talaga ako sa asawa ko (Ogie Alcasid), ‘Hon, make it stop. Make it stop. It’s so painful’,” pagre-recall pa niya.
Aniya pa, kinailangan niyang sumailalim sa magnetic resonance imaging (MRI) taun-taon para matiyak na wala siyang aneurysm.
May panahon pang dinala siya sa emergency room dahil namaga na ang mga ugat sa kanyang ulo dahil sa dalas ng pag-atake ng migraine. Sa mga hindi nga raw nakakaintindi ng sakit na ito ay iniisip na nagda-drama lang sila. “For people na hindi nakakaranas ng gano’ng pain, you can say that. Pero ‘pag naranasan niyo, maiintindihan niyo kung bakit,” sey niya.
“Debilitating talaga,” sambit pa niya.
Mr. C, napanood ang panaginip sa BINI at SB19
Masaya ang National Artist na si Maestro Ryan Cayabyab sa kalagayan ng OPM music natin ngayon dahil unti-unti na raw nare-recognize ang ating Pinoy artists sa international scene partikular na nga ang Pinoy-pop groups na BINI at SB19.
“Grabe, ‘yung aming pinapanaginip dati, nangyayari na ngayon,” sey ni Mr. C sa mediacon ng OAC: Original and Absolute Classics pre-Valentine concert with Ogie Alcasid and Louie Ocampo.
“I hope you understand that noon pa man, siguro ‘60s, ‘70s, nag-uumpisa kami na mag-usap ng mga co-composers ko, sina Willy Cruz, sina George Canseco.
“Lahat kami, iisa lang ang dream namin – makapasok kami sa international. Ewan ko kung bakit ‘yung ang dream namin, makapasok sa international, mailagay ang Filipino music, Filipino performers sa international stage,” aniya.
At nangyayari na nga raw ngayon with BINI and SB19 at iba pang Pinoy singers. “Actually, tuwang-tuwa na kami na nandiyan na. Ang kailangan na lang ay ‘yung walang humpay na suporta,” saad ni Maestro Ryan.
Masaya rin si Maestro Ryan na nakaka-collaborate na niya ang young artists natin kabilang na si Stell Ajero ng SB19 na naging guest sa concert niya last year.
Si Louie naman ay nagpahayag din na gusto niyang maka-collaborate ang bagong singers natin.
“Without batting an eyelash, my answer is yes. I would love to collaborate to the new ones, the new artists, new generation. Anyone in particular, whoever wants to ask me.
“Yes, let’s try something, you know. I’ve always wanted to do that. I’ve always wanted to reinvent myself, kasi I want to grow, eh,” saad ni Louie.
Si Louie ang composer ng hit songs na Tell Me, Kahit Isang Saglit, Ewan, You Are My Song at marami pang iba.
Ilan naman sa napakaraming sikat na komposisyon ni Maestro Ryan ay Tuwing Umuulan, Minsan lang Kita Iibigin, Kay Ganda ng Ating Musika, Kailan, Can This Be Love, among others.
First time na magsasama-sama nina Ogie, Louie and Maestro Ryan sa OAC: Original and Absolute Classics na gaganapin sa Feb. 13 at Solaire Resort North Grand Ballroom.
- Latest