Dating Idol PH contestant, may pinaghuhugutan sa bagong awitin
MANILA, Philippines — Pait ng nakalipas na pag-ibig ang inihandog ng dating Idol Philippines season 2 contestant na si Nico Crisostomo sa kanyang debut single na Dahan-Dahan.
“It’s about moving on. Ito ang pinakamahirap na stage sa isang relationship when you are breaking up. Gustuhin man natin makapag-move on nang biglaan, hindi ito possible, lalo na ‘pag minahal mo nang buo ‘yung isang tao,” saad niya.
Nakasama ni Nico bilang composer ng awitin si Roly Halagao habang iprinodyus ito ni Dan Simon at ABS-CBN Music operations and creative head Jonathan Manalo. Hindi maitago ng bagong DNA Music artist ang saya matapos ilunsad ang kanyang unang single. Aniya, “Sobrang saya s’yempre and at the same time unreal. Feeling ko slowly but surely magbubunga din lahat ng pinaghirapan ko and mas lalo ako na-motivate na mag-compose pa ng maraming songs.”
Mula sa murang edad, naging hilig ng Caviteño singer-songwriter ang musika at tuluyan niya itong pinasok noong panahon ng pandemya kung saan nagco-cover siya ng iba’t ibang kanta para sa kanyang livestream. Noong 2022, sumabak si Nico sa auditions ng Idol PH. Ilan sa kanyang itinuturing na musical influences ay sina Justin Bieber, Bruno Mars, at Ed Sheeran.
Bilang baguhan sa industriya, ibinahagi ni Nico na determinado siyang abutin ang mga pangarap niya bilang singer. Sabi niya, “Hardworking and driven para maabot mga pangarap and even if I have to move a mountain just to reach that dream gagawin ko, lalo na sa larangan ng pag-awit.”
Available na ang debut single ni Nico na Dahan-Dahan sa iba’t ibang streaming platforms.
- Latest