Bayani, ‘di na pag-aari ang sikat niyang kantang otso-otso
Awws pag-aari na pala ni Sen. Bong Go ang pinasikat na kanta ni Bayani Agbayani na Otso-Otso. Kaya hindi na ito pwedeng gamitin ni Bayani na campaign jingle sa pagtakbo niya bilang party-list candidate ngayong 2025 elections.
Sa pakikipagtsikahan sa entertainment media para sa season 5 ng Net25 sitcom na Goodwill, sinabi ng komedyante na 2nd nominee ng Tupad party-list ang tungkol dito. “Hindi ko magamit. Na kay Kuya Bong Go, hahaha!” chika niya sa ilang kaharap na entertainment media.
“Niregalo ko rin sa kanya, ako ang gumawa. Kasi ang sasamahan ko ngayon si Benhur Abalos, kami ‘yung back to back, kasi siya ‘yung isa sa tumutulong din sa akin. Although si Kuya Bong, tumawag na rin sa ‘kin. Sabi ko, ‘Kuya Bong, pasensya ka na.’ Pero ginawa ko ‘yung kanta, boses ko, ‘andito pa nga sa akin. Sabi ko regalo ko po sa’yo ‘yan kasi hindi ka na namin makakalimutan dahil nga mahal na mahal ka namin ng pamilya ko,” dagdag niyang paliwanag.
Pero aniya, gumawa na siya ng sariling campaign jingle na kinanta’t sinulat niya rin. Parang may hawig naman sa kanyang sumikat na kanta sa totoo lang, malakas ang recall at may LSS (last song syndrome).
Incidentally, ayon kay Bayani, isa ang edukasyon sa mga isinusulong ng kanilang party-list group bukod pa sa pagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mga kababayan.
Gaya niya, tumatakbo nga rin ngayong halalan 2025 ang Goodwill co-stars niya na sina Raymond Bagatsing (mayor ng Maynila) at David Chua (councilor, district 2 ng Tondo).
Ang nasabing programa ay season 5 na at napapanood sa Net25 tuwing Linggo, pagkatapos ng Korina Interviews.
Pero dahil nga malapit na ang kampanyahan, break muna sila.
Si Ms. Korina Sanchez-Roxas ang producer ng Goodwill.
At ayon kay Bayani masarap itong producer, “Galante siya, at alam niya ang pangangailangan ng mga artista. Pinapakain pa niya kami palagi sa mga mamahaling restoran. Tapos, pinapadalhan pa niya kami ng pagkain sa set. Ang sasarap!
“Tapos ‘pag may costume pa na kailangan, sa kanya pa nanggagaling, sa wardrobe niya. ‘Ingatan niyo ito, ha! Damit ko ‘yan!’ sinasabi niya sa amin. Hahahaha!
“Hands-on si Ms. Korina. Akala lang ng iba parang suplada siya, pero hindi totoo ‘yon. Ako nga, pinapasundo at pinapahatid pa niya ako sa bahay, gamit ang sasakyan.
“Spoiled ako kay Miss Korina!” chika pa ni Bayani.
Confortable na raw siya kay Ms. Koring bilang magkasama na sila noon pa sa ABS-CBN kahit maraming nasusupladahan dito. “Hindi naman, kasi sa ABS-CBN pa lang, magkaibigan na kami. Alam ko na ang ugali niya. Sobrang professional lang talaga siya. Kailangan lang magtrabaho ka nang maayos.
“Si Miss Korina kasi, oo magkaibigan tayo, pero magtrabaho tayo, at huwag nating gawing laro itong trabaho,” pahayag pa ni Bayani na may dalawang apo na sa panganay na anak.
Eddie Gutierrez, na-fake news na nagkasakit ng malubha
Matapos muling mapanood sa action series na Incognito, biniktima ng fake news peddler si Eddie Gutierrez.
Ikinalat nila na dumanas ng brain aneurysm ang daddy nina Ruffa, Richard at Raymond Gutierrez.
Mabilis na nagbigay ng warning si tita Annabelle Rama, “BE AWARE this is FAKE NEWS!!!” kalakip ang screenshot ng mga fake account ni tito Eddie.
Dinadamay pa si Ruffa sa nasabing post na nag-alaga pa raw kay tito Eddie nung nagkasakit ito nang malubha.
Nauna nang nabanggit ni Richard na na-excite ang kanyang daddy na gumanap na ama niya sa Incognito.
“Sobrang excited siya, kasi matagal-tagal din siyang hindi nakagawa ng teleserye,” banggit ni Richard sa huling interview namin sa kanya.
Marami na raw naunang offer pero ayaw na raw nila ang ama pagtrabahunin kaya ganun.
“May edad na rin kasi ang dad ko. Alam naman natin ‘pag teleserye talagang… madugong trabaho ‘yan, puyatan, pukpukan, so relax naman siya, chill naman siya sa bahay, so pinipili na rin naman niya ‘yung projects na gagawin niya,” dagdag na paliwanag ni Richard.
At hindi raw ito basta special participation sa nag-umpisang serye. “‘Yung role is gonna be part of the the series, talagang ingrained ‘yung character niya sa istorya,” dagdag pa ni Richard.
Ang lala ng fake news ngayon sa social media kaya ‘wag basta-basta mag-share.
- Latest