Sarah Brightman, bibida sa Sunset Boulevard sa Singapore
MANILA, Philippines — Ang marangyang bagong produksyon ng Tony Award-winning na musical masterpiece ni Andrew Lloyd Webber na Sunset Boulevard, na pinagbibidahan ng musical theatre at international superstar na si Sarah Brightman, ay magsisimula ng kanyang Asia Premiere sa Singapore. Ang produksyon ay itatanghal mula Pebrero 7-23, 2025 sa Sands Theatre, Marina Bay Sands.
At mas lalong nagpaespesyal sa pagkakataong ito ay ang pagbabalik ni Sarah Brightman sa teatro pagkatapos ng mahigit tatlong dekada. Ang kanyang walang kapantay na talento at reputasyon ang nagbigay ng makasaysayang kaganapan sa kanyang pagganap bilang si Norma Desmond para sa parehong musical sa Singapore.
Makakasama ni Sarah Brightman sa entablado ang isang pambihirang cast, kabilang ang critically acclaimed actor na si Tim Draxl bilang Joe Gillis, kasama si Robert Grubb bilang Max Von Mayerling, Ashleigh Rubenach bilang Betty Schaefer, Jarrod Draper bilang Artie Green, at Paul Hanlon bilang Cecil B. DeMille.
Batay sa classic Paramount film na idinirek ni Billy Wilder, ang musical version ng SUNSET BOULEVARD ay nagkaroon ng world premiere sa Adelphi Theatre sa London noong Hulyo 12, 1993. Ang palabas ay nagkaroon ng American premiere noong Disyembre 1993 sa Shubert Theatre sa Los Angeles, kung saan gumanap si Glenn Close bilang Norma Desmond.
Pagkatapos nito, binuksan ang palabas sa Broadway sa Minskoff Theatre noong Nobyembre 1994, na nagkaroon ng pinakamataas na advance ticket sales sa kasaysayan ng Broadway noong panahong iyon. Ang orihinal na produksyon ng Broadway ay nagwagi ng anim na Tony Awards mula sa labing-isang nominasyon, kabilang ang Best Musical, Best Original Score at Best Book.
- Latest