Vice, nawindang sa natanggap na award
Gulat na gulat si Vice Ganda sa natanggap niyang special award sa Gabi ng Parangal ng 50th Metro Manila Film Festival na ginanap noong Dec. 27 ng gabi.
Pinarangalan ang Unkabogable Star ng Jury Citation Award at kitang-kita talaga na nagulat siya nang tawagin ang pangalan niya.
‘Kaaliw ang kanyang acceptance speech dahil talagang ang una niyang tanong ay kung para saan ang award na ito.
“Pagtayo ko, tinatanong ko si Direk Jun at si Uge, ‘ano ba tong award na to?’ Special Jury Citation for what? For Best Dressed of the night? Special Jury Citation for Best Performance? Ganun ba yon?” sey ni Vice.
Sabi pa niyang natatawa, “seriously, hindi ko talaga alam. Nagtatanga-tangahan ako. Ayoko namang magpasalamat na hindi ko naiintindihan ‘yung award.”
Kaya naman binasa ng presenter na sina Lorna Tolentino at Dennis Trillo ang description ng kanyang award.
Nakasaad sa deskripyon na ang nasabing parangal ay ibinibigay sa “performer who has broken the ground and gone out of the familiar and comfort zone to prove his growth as an artist and tackle issues relevant to the contemporary society.”
Mas lalong nakakaaliw ang reaksyon ni Vice dahil nagkunwari siyang maiiyak pa dahil sa labis na tuwa.
“Thank you very much! Oh my God! I have long been waiting for this! At last, finally, I am seen,” aniya na tila maiiyak.
Pagkatapos nito ay sumeryoso na si Meme at nagpasalamat sa MMFF. Sa ilang taon daw niyang pagsali sa taunang festival ay ito ang unang pagkakataon na binigyan siya ng award.
Nagpasalamat din si Vice sa ABS-CBN na kanyang home network.
“Maraming-maraming salamat sa pagkakataon na ibinigay pa rin sa akin ng ABS-CBN. Sa mga panahon na hirap na hirap na ‘yung kumpanya na kinabibilangan ko, ay pinipilit pa rin nilang gumawa ng magagandang proyekto, magagandang mga contents.
“At nagpapasalamat ako dahil sa mga pagkakataon na hindi na nila kayang gumawa ng maraming-maraming proyekto, maraming pelikula, maraming contents, isa ako sa napipili nilang gumawa ng mga pelikulang ilalabas nila bawat taon,” pahayag ng It’s Showtime host.
Nagbiro rin si Meme na hahabaan na niya ang kanyang speech dahil baka raw hindi na siya ang manalong Best Actor.
“My God, hahabaan ko na kasi baka ‘tong award na ‘to, ibig sabihin, hindi ako magbe-Best Actor. Baka ito ‘yung mga awards sa mga first runner-up,” natatawa niyang sabi.
Sa huli ay ibinahagi ni Vice ang award sa co-stars niya sa And The Breadwinner Is… na sina Eugene Domingo and Gladys Reyes na hindi na-nominate for Best Supporting Actress ng gabing iyon.
“I also share this to Eugene Domingo who I strongly and absolutely believe also deserved to be at least nominated for the Best Supporting Actress. Gayundin si Gladys Reyes at si Maris Racal,” aniya.
- Latest