Sen. Bong, inaming may mga anak sa ibang babae!
Isang malaking rebelasyon mula kay Sen. Bong Revilla ang narinig ng lahat ng entertainment press na dumalo kahapon sa grand mediacon ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 3.
Buong tapang na inamin ng Titanic Action Star na may anak pa siya sa ibang babae bukod sa asawang si Lani Mercado.
Natanong kasi si Sen. Bong ng hypothetical question na “what if dumating ang time na may magpakilala sa kanya na anak niya, ano ang kanyang gagawin?”
Siyempre, aniya, ang una niyang gagawin ay ipapa-DNA test muna ang bata.
“At kung talagang anak mo siya, dapat, panagutan mo mo ‘yun,” he said.
Follow-up question ay kung so far, wala pa namang nagpakilalang anak niya.
Napangiti ang aktor/pulitiko at saglit na inisip ang isasagot.
“Alam ni Lani ‘yun. Meron, meron,” pag-amin niya.
“Makikilala n’yo rin kung sino siya… sila,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Sen. Bong, hindi raw niya ito itatago dahil unfair daw ito para sa mga bata.
“Pag anak mo, anak mo ‘yun. Dugo mo ‘yun. At hindi ko ikinahihiya ‘yung ganu’n” seryosong wika ng aktor/pulitiko.
“Bilang isang ama, ayokong magkasakitan ng loob ‘yung mga anak ko, pero maiintindihan naman nila ‘yun. Alam mo na patas ako sa lahat,” aniya.
Basta ayon kay Sen. Bong ay ipapakilala niya ang mga anak sa publiko soon pero hindi na niya sinabi kung kailan.
Samantala, matapos nga ang kanyang Achilles tendon surgery nitong nakaaang Abril, balik-aksyon si Sen. Bong sa season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis at nagpapasalamat ang action star na naging napakabilis ng pag-heal ng kanyang operasyon.
Gayunpaman ay hindi na kinaya ng oras na makasali pa siya sa 50th Metro Manila Film Festival na okay lang naman sa kanya dahil mayroon pa namang susunod na taon.
“Swerte ko rin at nakagawa ako ng ‘Walang Matigas Na Pulis. . .’ Nakita n’yo naman (sa trailer), nakakatalon ako, nakaka-dive ako, nakakatakbo ako, kung ano ‘yung kailangang ipagawa sa akin ng direktor, nagagawa ko,” saad niya.
“Basta nu’ng binigyan ako ng go signal ng doktor ko, ‘you can do anything, you can jump, kung anuman,’ ginagawa ko lahat. Wala akong takot,” sey pa ni Titanic action star.
After the operation ay inakala nga raw niyang tapos na ang kanyang action career. “Pero hindi, binigyan pa rin ako ng Panginoong Diyos na makagawa ng magagandang proyektong tulad nito at marami pa,” he said.
Base nga sa trailer ay kitang-kita nga na all-out na naman ang mga action scenes ni Sen. Bong at parang pelikula ang pagkakagawa tulad din ng Season 1 and Season 2.
Super-thankful naman si Sen. Bong sa suporta ng GMA 7 na ibinigay ang lahat ng kailangan para sa kanyang weekly series para lalo itong mapaganda.
Magsisimula na ngayong Dec. 22 ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. Kasama pa rin si Beauty Gonzalez as his leading lady, Leo Martinez, Jillian Ward, Nino Muhlach, Faith Da Silva, Gloria Diaz, Jay Manalo, Joko Diaz, Sid Lucero, Ryan Eigenmann at marami pang iba.
- Latest