Angelica nakapasyal na, hindi pa normal ang lakad matapos ang hip surgery
Nakaraos na pala ng hip replacement si Angelica Panganiban.
At ito pala ang dahilan kaya’t hirap pa siyang maglakad.
Spotted nga siya last week sa isang high end mall sa Makati at nagtaka ang mga nakakita sa kanya na nahihirapan siyang lumakad.
Inaalalayan din siya ng mister niyang si Gregg Homan na kasama niyang namamasyal sa mall at kanilang anak.
Sa latest vlog ng aktres sa YouTube channel nila ng mister, nilantad nga niyang sumailalim na siya sa hip replacement.
Nauna na siyang sumailalim sa hip surgery three months ago.
Noong isang taon nang ikumpisal ni Angelica na nadiskubre ng mga doktor na meron siya avascular necrosis o bone death.
Inilahad niya rin sa isang video ang hirap na kanyang nararanasan dahil sa nasabing sakit noon.
Ang tindi raw ng sakit nito at halos hindi na siya makalakad.
Hanggang nagkaroon siya sa core decompression sa kanyang hips upang maibsan ang kanyang pananakit pero hindi ito naging epektibo kaya kailangan na niyang magkaroon ng hip replacement.
Aniya sa kanyang vlog : “Hindi siya nakatulong sa akin especially on my left hip. Pinadali niya ang pag-collapse ng aking balakang. Mas naging brittle ‘yung hips ko and for two months, bed rest lang ako,” simulang nuwento niya sa kanyang vlog.
“Hindi siya madali, of course, mentally. Kasabay ng pagkamatay ni Mama (Annabelle “Ebela” Panganiban na namatay last August 20), hindi man lang ako makapag-exercise. Talagang nakahiga lang ako kahit gusto ko nang gumalaw,” pagkukuwento pa niya tungkol sa naranasan niyang matinding sakit at hirap sa paglalakad.
Tumagal daw ng dalawang oras ang operasyon pero ito ay malaking tagumpay.
At may payo siya sa mga taong nakararanas din ng tulad ng kanyang sakit, aniya ay huwag matakot sa operasyon.
“Kita n’yo naman o, two days after the surgery, nakakalakad na ako, so tanggalin n’yo na ‘yung stigma ng mga nahi-hip replacement na hindi sila makakalakad, parang end of the road na ‘yung sa kanila. Hindi. Extension ‘to ng quality ng life n’yo.
“Excited na ‘kong mabalik ‘yung buhay ko, makalaro ang anak ko,” napapaiyak niyang kuwento na hindi raw niya kinayang iwan ng isang buwan ang kanyang mag-ama nung nagplano siyang sa Thailand sana magpa-opera.
Bayawak, umeksena sa lambingan nina Gerald at Julia
Namahinga sa ingay ng paligid ang magkarelasyong Gerald Anderson at Julia Barretto.
Bumiyahe nga sila para sumisid sa dagat, sa Palawan.
“Somewhere between the sky and the ocean, I found paradise,” sabi ni Gerald sa kanyang post.
Pero ang exciting part ng nasabing bakasyon nila ay nung nakuha sa video ni Gerald na nagulat si Julia sa bayawak na tumawid habang tumatakbo ang actress.
Talagang umeksena ang bayawak.
Anyway, dama ng mga followers nila na forever na talaga ang magkarelasyon.
May nagsabi namang nagbakasyon na sila bago maging busy sa kampanya ni Marjorie Barretto na kakandidato namang konsehal sa Caloocan.
Maki, nagpasiklab sa axean Music Festival 2024 at Lany concert
Nagpakitang gilas ang breakthrough artist na si Maki bilang closing act ng AXEAN Music Festival 2024 na naganap sa Bali, Indonesia kung saan ipinamalas niya ang all-out performance ng kanyang hits na Dilaw at Saan?
Ito ang unang international show ni Maki kung saan nakasama niya ang iba’t ibang Southeast Asian artists tulad nina crwn, Eco of bird, Mix Fenix, Munimuni, at Muri ng Philippines, Grrrl Gang ng Indonesia, mindfreakkk ng Thailand, Linying ng Singapore, at Golden Mammoth ng Malaysia.
Bukod dito, naging bahagi rin siya ng meetings at pitching sessions ng iba’t ibang international at local producers, artists, events organizers, at promoters. Sumabak din siya sa songwriting camp kasama ang Nameless Kids’ lead vocalist na si Nhiko Sabiniano.
Sinurpresa rin ni Maki ang kanyang fans nang mag-perform siya sa sold-out concert ng bandang LANY sa Philippine Arena kung saan inawit niya ang Out Of My League kasama si Paul Klein ng LANY sa harap ng mahigit 50,000 fans. Kinanta rin niya ang hit song niyang Dilaw at sinamahan pa siya rito ni Paul gamit ang piano.
Pelikula ni Marian may special discount sa mga guro at estudyante
Mas marami na nga ang nakanood ng pelikulang Balota na pinagbibidahan ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera nang magsimula itong ipalabas sa mga sinehan noong October 16.
Hindi lang ‘yan, dahil naging certified top grosser din ang Cinemalaya 2024 film sa opening week nito sa big screen.
Nitong weekend nga ay nagkaroon ng surprise visit ang Kapuso aktres sa kaliwa’t kanang block screening ng kaniyang pelikula sa Metro Manila.
Patuloy na napapahanga ni Marian ‘di lang ang kanyang fans, kundi pati na rin ang moviegoers na nakapanood ng pelikula.
Komento ng isang netizen sa official Facebook page ng aktress, “I saw the film. You gave justice to the role Idol. Congrats!”
Kahit nga ang mga nakapanuod na sa pelikulang ito noong Cinemalaya, pumila pa rin para sa new cut ng Balota. Very timely naman daw ang pagpapalabas nito dahil sa susunod na taon ay eleksyon na naman.
May handog din ang pelikulang Balota na special rate para sa mga guro at estudyante na nais makapanood nito sa piling sinehan.Kaya naman talaga namang ikinatuwa ito ng mga teacher Emmy at students, ha!
- Latest