Albert, bwisit sa mga naka-two piece sa social media
Inamin ni Albert Martinez na hindi maganda sa tingin niya ang mga picture ng mga artistang babae na halos nakahubad na lumalabas sa social media.
Hindi rin niya maintindihan kung bakit sila naka-swimwear nang hindi naman summer at wala naman sila sa beach o sa swimming pool man lang.
Tama naman ang observation niya, kasi ang mga picture ok lang iyan pero kailangan naman bagay man lang sa background mo. Sabagay, excuse iyon ‘yan para may pang-post ang ibang celeb sa kanilang mga social media platform.
Pero buti nga ‘yung may two piece pero lately nga, hubad na talaga.
Hindi lang sa pelikula lumalabas ang ganoon, maski na sa social media.
Sabi nga ni Albert, may mga anak siyang babae kaya hindi siya komportable na nakakita nang ganoon.
Eh mga babae lang ba? Maski na nga ang mga artistang lalaki, at iyong ibang nag-aambisyong maging artista makikita mo ang mga litrato puro mga naka-brief lang.
Kaya talamak ang mga sex scandal.
Hindi lang mga pelikula iyan, maraming sex scandal na lumalabas sa internet na ipinagbibili rin ng mga gumawa mismo noon. Magbabayad ang may gusto sa pamamagitan ng GCash, Tapos ipadadala na ang mahahalay na video.
Kaya tingnan ninyo ang mga sinasabing profession ngayon sa social media, karamihan ay “content creator.”
Hindi talaga mapipigil iyan maliban kung may batas na maglalagay ng control.
Christian, may bagong tatay
Tuwang-tuwa si Ryan Christian Recto sa isa niyang post at nagpasalamat sa isang hindi naman niya nakilala kung sino at tinawag na lang niyang “tatay” kasi nga inabutan siya ng isang rosaryo at sinabi sa kanyang ipinagdarasal siya ng kanilang pamilya, ganoon din ang buong pamilya niya. Isang simpleng rosaryo lamang iyon, pero para sa mga taga-Batangas na malalim ang pamimintuho sa Mahal na Birhen noon pa man, malaking bagay iyon.
Maging si Ate Vi (Vilma Santos) ay natuwa rin sa post na iyon ni Ryan, kaya nag-repost din siya at nagpasalamat din sa ibinigay at panalangin ni “tatay” para sa kanilang lahat.
Wax figure ni Lea, nasa bansa pa
Masaya si Lea Salonga nang makita ang kanyang wax figure na ilalagay sa collection ni Madame Tussauds sa Singapore. Ang ginagawa ng wax figure sa collection ni Madame Tussauds ay mga taong kinikilala sa buong daigdig. Doon maaaring makita ng fans ang wax figures at maaari silang magpakuha ng picture na akala mo katabi nilang talaga ang personalidad.
Ang wax figure ni Lea ay tila kumakanta, may hawak pang microphone at nakasuot ng isang asul na gown na ginawa ng kanyang paboritong couturier na si Rajo Laurel. Mananatili pa rin dito sa Pilipinas ang wax figure hanggang sa katapusan ng buwang ito para mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makita iyon at tapos ay isasama na sa kanilang exhibit sa Singapore.
Isang malaking karangalan iyan hindi lamang para kay Lea kundi sa mga PIlipino, na may isang kababayan natin na napasama na sa ganoong exhibit na kinikilala sa buong mundo.
Kabilang naman sa naunang nagkaroon ng wax figure si Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Boses ni Darth Vader, mahirap palitan
Si James Earl Jones, ang may-ari ng tinig na naririnig ninyo bilang si Darth Vader sa Star Wars at naging tinig din ni Mufasa sa Lion King, ay sumakabilang buhay na sa edad na 93.
Bilang pagbibigay-pugay sa kanya, ang imahe ni Darth Vader ay naka-project sa isang bahagi ng Empire State Building sa America. Sinasabi nila na mahihirapan nang maghanap ng isang bagong voice talent na gagamitin ni Darth Vader sa mga susunod na Star Wars movie dahil nakatanim na sa isipan ng fans ng serye ang boses ni James Earl Jones.
- Latest