Amanda, naduwag sa KathNiel fans?!
Kung noon, ang paniwala ng iba basta ang isang pulitiko ay malapit sa sikat na artista, malamang sa hindi ay panalo siya dahil sa suporta ng fans, ang ganyang paniniwala ay nasira na, lalo na nga noong nakaraang eleksiyon.
Kung halimbawa nga totoong nakipag-syota si Amanda Zamora kay Daniel Padilla, hindi kaya ang tatay niyang si Mayor Francis Zamora ay hindi suportahan ng KathNiel fans na napakalaki pa rin ng bilang?
Kaya masasabi ngang wise ang paninindigan ng mag-amang Zamora na itanggi na mag-syota sina Daniel at Amanda.
Anak ni Donna Cruz, magna cum laude rin
Tingnan mo nga naman ang mga anak ng mga artista nating matitino. Ang anak ni Donna Cruz na si Cian Larrazabal ay magna cum laude nang magtapos sa kursong medical biology. Hindi naman kataka-takang magawa iyon ni Cian dahil ang tatay niyang si Dr. Yong Larrazabal ay kinikilala ring isang mahusay na doctor.
Cum laude ring nagtapos si Juliana Gomez sa UP. Kaya proud na proud din sina Congressman Richard Gomez at Mayor Lucy Torres Gomez sa kanilang anak na ngayon pa lamang ay sinasabing susunod sa kanila sa pulitika.
Nakakatuwa ang mga balitang ganyan, na sa kabila ng kanilang pagiging mga artista, nagagabayan nila sa pag-aaral ang kanilang mga anak.
Mga akusado sa sexual harassment, malakas ang kapit?!
Inihayag ng GMA 7 na habang isinasagawa nila ang imbestigasyon sa kaso ni Sandro Muhlach ay suspendido muna ang mga suspect sa panghahalay sa kanya na kinilalang sina Jojo Nones at Richard Dode Cruz na independent contractuals ng kumpanya na may kinalaman sa ilan nilang matagumpay na serye sa telebisyon.
Sa gobyerno tama iyan basta may isang opisyal na iniimbestigahan, sila ay sinususpinde muna sa kanilang tungkulin para hindi nila magamit ang kapangyarihang nasa kanilang posisyon para sila ay manalo sa kanilang kaso.
Sa kaso nina Nones at Cruz, ano ba ang kinalaman ng kanilang trabaho sa imbestigasyon sa kaso.
Pero papayag ba naman si Sandro at ang kanyang pamilya kung sususpendihin lamang ng GMA sina Nones at Cruz?
May isyung malakas sa kinauukulan ang dalawang akusado sa panghahalay.
Samantala hinihintay ng mga tao kung ano ang kalalabasan ng pribadong imbestigayon ng GMA sa nasabing kaso, na mukhang hindi rin haharapin ng suspects dahil sinabi na ng abogado nilang si Maggie Abraham Garduque na nakahanda lamang silang sumagot sa proper forum, ibig sabihin ay sa korte.
Pero gaya nga ng sinabi na sila ay independent contractors lamang, ibig sabihin noon ay maaari silang magtrabaho sa ibang networks na wala namang pakialam sa suspension na ipinataw ng GMA 7, lalung lalo na’t ang GMA 7 naman ay hindi kasapi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Aktor na paulit-ulit na pinagsamantalahan sa halagang P10,000, natakot lumantad
Kung hindi lang daw 28 na siya at hindi na nga minor at masasabing binayaran naman siya sa kanyang ginawa, sinabi ng isang male starlet na ibubulgar din daw sana niya ang pangre-rape sa kanya ng isang bading.
Inamin naman niyang binayaran siya ng bading ng sampung libong piso, pero paulit-ulit din naman daw siyang pinagsamantalahan noon sa loob ng walong oras nilang pagsasama sa isang hotel. Bukod doon, kinunan pa raw siya ng mga litratong nakahubo’t hubad. Kinunan pa siya ng video habang pinaliligaya niya ang kanyang sarili, at ang actual na panghahalay sa kanya ng bakla.
Pero naisip din naman niya, baka hindi rin mag-click dahil hindi pa naman siya sikat talaga. Ikalawa, hindi naman showbiz personality ang baklang nanghalay sa kanya. At baka sa halip na sumikat siya ay lalo pa siyang bumagsak kung malaman ng ilang fans niya ang kanyang itinatagong sikreto.
- Latest