^

Pang Movies

Isa pang alamat sa showbiz writer, pumanaw!

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Isa pang alamat sa showbiz writer, pumanaw!
Virgie Balatico

Wala na yatang katapusan ang malulungkot na balita. Habang ang buong bansa ay hindi pa nakakabawi sa pinsala ng bahang dala ng bagyong Carina, at napakaraming namatay, sinundan pa iyon ng balita ng pagpanaw ni Alexa Gutierrez, na asawa ni Elvis Gutierrez na anak nina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama.

Noon pang January sinasabing labas-pasok na si Alexa sa ospital dahil na-diagnosed siyang may leukemia. Mahirap na sakit iyan at totoong napakamahal ng gamot.

Matagal na nating naririnig si Ruffa at si Annabelle Rama na humihingi ng pana­langin para kay Alexa. Una, kasundo nila ang asawa ni Elvis. Ikalawa napakaliliit pa ng kanilang mga anak para iwan ng ina. Pero kung iyon ang kalooban ng Diyos ano nga ba ang magagawa natin?

Pumanaw si Alexa noong Sabado, Hulyo 27. At sinasabing bago siya tuluyang namaalam nagpa-abot pa siya ng mensahe ng pasasalamat sa kanyang in laws na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama na mahal na mahal naman siya.

Tapos nasundan pa iyan ng isa pang malungkot na balita noon din Sabado Hulyo 27, pumanaw na rin ang beteranong movie writer na si Virgie Balatico.

Matagal na panahon din siyang aktibo sa kanyang mga istorya sa mga dyaryo at magazines noong araw. Isa si Virgie sa nakabantay noon sa kasikatan ni Imelda Papin at sa anak ng aktres na si Nida Blanca si Kate Torres, matapos na pumanaw ang aktres.

Isa rin si Virgie sa mga malalapit noon kay Kuya Germs, at sa mga alaga niya sa That’s Entertainment. Pero ang pinaka-matagal niyang sinamahan ay si Imelda Papin at maging ang anak noong si Maffi.

Matagal na ring nagretiro si Virgie dahil may edad na rin naman siya at ang huli naming nabalitaan ay dinala nga siya sa isang adult home na pinamamahalaan naman ni Manay Gina de Venecia, dahil malapit din naman siya sa mga Vera Perez.

Si Virgie ang talagang umabot pa sa mga unang artista. May mga kuwento na siya tungkol sa mga artista ng LVN na hindi na rin namin inabot.

Wala na ang lahat halos ng ka-batch niya. Ka-batch niya ang dating entertainment editor ng Pilipino Star NGAYON na si Veronica Samio, at ang dati ring writer nito na sina Mimi Citco at Emy Abuan. Noon ay nagsusulat din siya paminsan-minsan sa Pilipino Star.

Ipinamamanhik na lang namin sa mga makakabasa nito na ipanalangin ang kanilang kaluluwa. Nawa’y masumpungan nila ang liwanag na walang katapusan at ang kapayapaang walang hanggan sa piling ng Diyos.

Dingdong, mas gustong kasama ang pamilya sa Pasko

Hindi raw tumanggap ng ano mang pelikula para sa MMFF sa taong ito si Dingdong Dantes. Marami ang nagtataka kung bakit dahil ang pelikula nila ng asawang si Marian Rivera ay hindi lamang top grosser ng festival noong nakaraang taon kundi sinasabi pang biggest grosser of all time. Kaya nga maski na sa nakaraang Eddys ay kinilala sila bilang Box Office Heroes.

Pero ang kuwento nga ni Dingdong dahil sa kanilang pelikulang iyon naiwan nila ang kanilang mga anak ng araw mismo ng Pasko kasi kailangan nilang mag-promote at mag-ikot sa mga sinehan. Na-realize din ni Dingdong na higit na mahalaga kaysa sa kanyang career ang mga anak kaya ayaw na niyang maulit iyon pag Pasko kung kailan dapat talagang buo ang pamilya.

Tama naman si Dingdong mahalaga ang propesyon, mahalaga din ang malaking kikitain niya bilang artista pero hindi sapat iyon para talikdan niya ang kanyang responsibilidad bilang tatay ng mga anak niya. Mas mahalaga naman talaga ang pamilya. After all bakit ba tayo nagsisikap? 

VIRGIE BALATICO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with