Ruffa, may throwback sa Binibining
MANILA, Philippines — Kasabay ng 7th EDDY’s Awards ng grupong SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors), ipinagdiwang naman ng Binibining Pilipinas ang kanilang 60th anniversary, at nagkaroon ng nostalgia sa ilang mga kilalang artista na naging beauty queen.
Nagulat kami, 31 years na pala ang nakalipas nang kinoronahang Binibining Pilipinas World noong 1993.
Napakaganda ni Ruffa Gutierrez noong 18 siya at na-maintain pa rin naman niya hanggang ngayon.
Naging 2nd Princess siya sa Miss World, at kaagad na pumaimbolog ang career niya.
‘Yun nga lang, nasangkot siya sa Manila Film Festival scam noong 1994, at ang dami nang pagbabago mula noon.
“Time flies indeed…” bahagi ng caption sa kanyang IG post.
Si Daisy Reyes, sa edad na 19 ay kinoronahang Binibining Pilipinas World noong 1996, na kung saan lumaban siya sa Miss World sa India at tinanghal siyang Miss Personality.
Nagkaroon ng reunion ang former beauty queens kagabi, lalo na ang mga nagwagi at napansin sa mga sinalihan nilang international beauty competitions.
Iba pa rin talaga ang produkto ng Binibining Pilipinas na narinig naming mababalik sa kanila ang franchise ng Miss Universe.
Pero bandang huli ay nakuha pa rin pala ng Miss Universe Philippines na dating hina-handle ni Ms. Shamcey Supsup-Lee.
Samantala, talagang nag-iingat na ngayon ang beauty queens na nai-involve sa isang relasyon.
Hanggang ngayon ay hindi pa maituturing na case closed na ‘yung beauty queen sa Batangas. Ngayon naman ‘yung sa Pampanga na beauty queen na si Geneva Sarita Lopez, na natagpuan na ang bangkay nito sa isang ilang na lugar sa Capas, Tarlac, kasama ang Israeli boyfriend.
Idinaan sila ngayon sa DNA test at autopsy para doon malaman kung kailan sila pinatay at kung sa anong paraan.
Ang latest na nasagap namin ay nakuha na ng mga kapulisan ang driver ng SUV na pinagsakyan ng dalawa at baka ito na raw ang tatayong state witness sa kasong ito.
- Latest