Batikang songwriter/producer na si Jungee Marcelo, may bagong album
MANILA, Philippines — May bagong album ang batikang songwriter at producer na si Jungee Marcelo na tinawag na Anniverseries at tampok bilang unang single nito ang remake ng Kung Saan Ka Masaya mula sa Sponge Cola.
Isinulat ni Jungee ang awitin habang iprinodyus ito ng Sponge Cola at ni Joey Santos ng Love One Another Sound Productions. Una itong inawit ni Yeng Constantino noong 2012 at ni Daniel Padilla noong 2013.
“Giving God the full control doon sa gusto mong mangyari sa buhay mo. Kung saan masaya si Lord placing you, doon ka. Kailangan ng pop-rock feel yung song na ito kaya naisip ko perfect dito ang Sponge Cola. Noong kinausap ko si Yael, game din siya agad na i-reimagine yung song,” saad ni Jungee.
Maglalaman ang Anniverseries album na handog din ng Star Music ng iba’t ibang reimagined hits ng tanyag na composer na bibigyang buhay ng OPM artists na sina Sunkissed Lola, Ben&Ben, at marami pang iba. Ani Jungee, hango ang proyekto mula sa iba’t ibang anibersaryo at milestone sa buhay niya.
Kwento niya, “I always love coining words, putting two words together. So I figured I’m celebrating a lot of anniversaries, anniversary of songs like Hataw Na and Sa Yaweh ang Sayaw which I wrote for Gary V is celebrating 30 years, Nasa Iyo Na Ang Lahat’ is celebrating almost 15 years. Most of these songs are anniversaries of my life and I thought it’s like a series of anniversaries and then put them together in ‘Anniverseries.’”
Inilunsad niya ang album sa kanyang 60th birthday concert na tinawag ding Anniverseries na ginanap noong Mayo 9 sa Greenhills Christian Fellowship auditorium.
Kilala si Jungee bilang songwriter sa likod ng iba’t ibang OPM hits tulad ng “Ako Na Lang” ni Zia Quizon, “Hataw Na” at “Sa Yaweh Ang Sayaw” ni Gary Valenciano, “Labo” ni KZ Tandingan, “Nasa Iyo Na Ang Lahat” ni Daniel Padilla, “Alam” ni Darren Espanto, “Salbabida” nina Kyla at Reese Lansagan, “Diamante” ni Morissette Amon, “Monumento” nina Kris Lawrence at Kyla, “Pumapag-ibig” nina Marion Aunor at Janella Salvador, “Super Pinoy” ni Jolina Magdangal, “Pansamantagal” nina Sitti Navarro at Julianne Tarroja, at “Bida” ni Sarah Geronimo.
Nanalo rin siya sa iba’t ibang local at international songwriting festivals tulad ng Metropop, Himig Handog, PhilPop, Asia Songfest, Shanghai Songfest, at Musika Manila International Songfest. Nakamit din niya ang ilang parangal tulad ng song of the year, producer of the year, at record of the year mula sa Awit Awards at Katha Awards at Office of the President DepEd Gawad Liriko para sa kanyang adbokasiya sa larangan ng Filipino songwriting.
- Latest