Direk Tikoy Aguiluz, hindi na nakilala ng bagong henerasyon
Isa na namang inirerespetong director ang binawian ng buhay noong Lunes, Pebrero 19.
Wala pang ibang detalye tungkol sa kanyang pagpanaw ang nabanggit ng kanyang pamilya.
Sinabi naman nilang ang burol para sa batikang director na si Tikoy Aguiluz ay ihahayag nila para sa mga kaibigan sa show business at iba pang mga tao, pero hiniling nilang bigyan muna sila ng pagkakataong makapagluksa in private.
Si Tikoy ay kinilala dahil sa kanyang mahuhusay at kontrobersyal na mga pelikula, ang una niyang pelikula ay ang Boatman na pinagbidahan nina Sarsi Emmanuelle at Ronnie Lazaro. Mapangahas ang pelikula pero iyon ay kinilala ng mga kritiko bilang isa sa pinakamahusay na pelikula noong kanyang panahon.
Nakakahinayang na ang isang director na kagaya ni Tikoy ay mabilis na nawala at hindi na inabutan ang mga obra ng bagong henerasyon.
Dominic, iniintriga kay Juday
Pinag-uusapan nila, bakit daw si Dominic Roque ang kasama ni Judy Ann Santos sa concert ng Rivermaya.
Ang totoo kasama rin naman nila ang mister ni Juday na si Ryan Agoncillo hindi nga lang nakita sa pictures.
Iyong pagsama ni Dominic kay Juday ay huwag namang gawan ng masamang kahulugan na baka raw maging isyu kina Juday at Bea Alonzo.
Hindi naman kasi maikakaila na si Beth Tamayo na tiyahin ni Dominic ay close friend ni Juday. Kahit na nga noong araw na may issue rin laban kay Beth si Juday ay nanatiling close sa kanya. Wala naman kasing pakialam si Juday sa problema ng mga kaibigan niya sa iba, basta sila ay walang problema.
Pero ikinatutuwa namin na maraming mga artistang Pilipino ang sumuporta sa concert ng Rivermaya at doon ay kasama sila ng mga karaniwang fans ng grupo.
Mabuti naman at sinusuportahan nila ang mga bandang local, hindi kagaya ng maraming artista na nababaliw sa boybands at artista ring Koreano.
Kung gusto ng mga artista ang suporta ng kanilang mga kababayan sila mismo dapat ang unang magpakita ng suporta sa kapwa nila Pilipino.
Isipin mo may gumagastos pa ng daang libong piso para lang manood ng concert ni Taylor Swift sa Australia. Dumayo pa roon para sumuporta sa isang artistang dayuhan.
Tapos gusto nilang suportahan sila ng Pinoy?
Aktor, alaga ng bading nang magkasakit
Tawang-tawa kami sa narinig naming kuwento noong isang araw. Tungkol iyon sa isang aktor na nagkaroon yata ng trangkaso.
Tinanong siya ng isang kaibigan kung nasaan siya, ang isinagot naman niya sa bahay lang. Nang tinanong kung sino ang nag-aalaga sa kanya ang isinagot niya ay wala dahil wala naman siyang kasama.
Ang isinagot ng friend “kung jinojowa mo na ba ako eh di sana may nag-aalaga sa iyo.”
Biglang may sumagot na iba at sinabing “hoy ambisyosong baklang frog, huwag kang buwisit umagang-umaga iyang gusto mong syotain ay matagal ko nang syota” tapos bigla na lang siyang blocked sa account ng male star.
Ayaw pa kasing umamin na may syota palang bading.
- Latest