Jake at Inah, dalawang taon nang nagli-live in
MANILA, Philippines — Ang magkasintahang Jake Vargas at Inah de Belen ang ilan sa namataan namin sa red carpet premiere ng pelikulang Take Me To Banaue na ginanap sa Shangri-La Mall nung Sabado, Feb. 10.
Close friends pala sila ni Thea Tolentino at magkakasama raw sila sa ipinatayo nilang film production.
Nagpapasalamat si Inah dahil suportado raw ito ng pamilya niya lalo na ang Mommy at Daddy niya.
Sinagot naman nilang dalawa ang mga tanong namin tungkol sa matagal nang tsismis sa kanila, lalo na kay Inah.
Natawa na lang sila sa kuwentong nabuntis daw ito.
Medyo tumaba lang daw siya kaya napagdudahang buntis.
“Saka kami naman kasi, if ever that happens, we’re gonna be proud. Hindi namin itatago.
“Mahirap‘yun. Kaming dalawa pa? Maitatago ba namin ‘yun? Everybody around, we’re in the business. Si Jake matagal na siyang artista. Ako… my family is in the industry, malalaman at malalaman din,” sabi pa ni Inah na sinang-ayunan naman ni Jake.
Hindi naman nila itinangging nagli-live in na sila ngayon.
Halos dalawang taon na silang magkasama, at hindi pa naman daw nila pinag-uusapan kung kailan sila magpapakasal.
“Eh kasi kami, ayoko naman mangyari na if ever I get pregnant or I get married, magkakapaan pa kami.
“At least ngayon, we’ve been living together for almost two years na. So alam na namin ‘yung ugali namin sa isa’t-isa. Kilalang-kilala na namin ang isa’t-isa,” sambit ni Inah.
Hindi pa rin daw sila engaged at paminsan-minsan ay napapag-usapan daw ang kasal. Pero wala pa sa plano nila ngayong taon.
Dagdag na pahayag ni Jake, “Minsan napapag-usapan pero siyempre pa rin nawawala ‘yung kailangan ipon muna.”
Marami pa raw silang gustong i-achieve bago nila planuhin ang kasal.
- Latest