Jomari at Abby, pakakasal ulit sa simbahan
Usap-usapan ngayon ang naging kasal nina Jomari Yllana at Abby Viduya sa Las Vegas, Nevada noong Linggo.
Pero bakit pa nga ba sila sa Las Vegas nagpakasal eh wala namang problema kung ikakasal sila rito sa Pilipinas. Matagal na namang nakakuha ng annulment si Jomari sa naging kasal nila noon ni Aiko Melendez.
Silang dalawa ay pareho namang Filipino citizen.
Ang dapat sanang naging proseso ay kumuha sila ng marriage license dito sa Pilipinas bago nagpakasal sa Las Vegas, dahil maluwag ang mga batas sa kasal doon.
At ang pastor na nagkasal sa kanila roon ay kailangang i-report ang kasal na isinagawa nila sa Philippine Embassy sa US na siya namang magpapadala ng mga papeles sa Pilipinas para mairehistro ng civil registrar upang maging legit ang pag-iisang dibdib nila roon.
Pero may balak din naman daw silang pakasal sa simbahan ng Birhen ng Peñafrancia sa Bicol kung saan ikinasal din ang mga magulang ni Jomari kaya walang problema.
Kung sabagay, mabuti na nga rin iyan at nang matahimik na sila. Kahit paano masasabing kasal na sila, hindi man legally legit.
Ruru, kulang pa ang lakas para itumba si Coco
Hindi raw akalain ni Ruru Madrid na muling magkakasagupa ang serye nila ni Coco Martin, pero hindi pa man nagsisimula ang sagupaan, mukha ngang dehado na ang serye ni Ruru, kahit na napakalakas ng kanyang supporting cast. Matindi rin kasi ang mga artistang kasama ni Coco sa kanyang show, at nauna na iyon nang matagal kaya malabong bumitaw ang viewers ni Coco.
Hindi umubra noon ang serye ni Ruru kay Coco, kahit na may malaking buwaya, na ginamitan ng animatronics. Lamang si Coco dahil inilalabas ang kanyang serye sa dalawang television channels, bukod pa sa malaganap na cable channel.
Pero kakaumpisa pa lang naman ng laban at mukhang may pansalo na ang GMA dahil naghahanda na sila ng fantasy series nilang Sang’gre.
Sa ngayon mahirap banggain si Coco sa action series, dahil ginagamit pa rin nila ang pangalan ni FPJ, at iyon ang malaki nilang plus factor hindi man masabing kaya ni Coco na palitan o tularan man lang si FPJ.
Aktor na naiintrigang hiwalay sa asawa, abanger ang mga matrona at Bading
Ang lakas ng narinig naming tsismis mula sa isang sikat na fashion designer. Alam naman ninyo ang mga couturier ngayon, mahaba na ang kanilang oras sa tsismis sa elite clients dahil bihira na ang nagpapagawa sa kanila ng mga damit, maski na gowns, ready to wear na ring gawa sa ibang bansa ang uso, at iyong mga branded talaga. Kaya marami silang oras na tsismis.
Ang umuugong na tsismis ay binabantayan raw ng mga rich and famous kung talagang maghihiwalay na nga ang isang celebrity couple. Mukhang basta nagkahiwalay sila ay maraming nag-aabang na sumalo, pero hindi ang girl ang pinag-uusapan kundi ang poging actor na inaabangan daw ng ilang madatung na mga matrona, at mga milyonaryong bading.
Naniniwala raw ang mga matrona na sa kanila babagsak si Pogi oras na mahiwalay na sa asawa. Pero siyempre malakas din ang fighting spirit ng mga bading na naniniwalang mas mataginting ang kanilang mga milyones na nakahandang itapon sa poging actor kaysa sa maaaring ialay ng mga matrona.
Pero alam ba nila na may isang dating artista na may ambisyon din sa poging actor at nakahanda rin daw maghatag ng milyong piso kapalit ng pag-ibig noon, after all milyones din ang datung ng kanyang kinakasamang lalaki sa ngayon.
Nakakatawa lang, na ang lalaki na kanilang pinag-iinteresan, mukhang ‘di na pinag-iinteresan ng mga babae.
- Latest