Aga, ‘di nakakalimot sa mga kaibigan
Di ko alam kung tamang sabihin, pero sa palagay namin maski si Manay Ethel Ramos natutuwa na sa unang gabi ng kanyang burol kung saan nagkita-kita ang mga magkakaibigang matagal nang hindi nagkikita. Malungkot sa kanyang pagyao pero masaya sa pagkikita ng mga kaibigan.
Nang dumating kami, agad kaming tinawag ni Manay Chit Ramos, ang nakababatang kapatid ni Manay Ethel. Si Manay Chit ang talagang halos kasabayan naming magsimula.
Nagsusulat kami noon para sa isang diyaryong Mabuhay, samantalang si Manay Chit ay nasa isang lingguhang tabloid na Sitsiritsit.
Pero hindi kami nagtagal sa dyaryo at hinila kami ng isa sa aming mentors, si Barr Samson para sa news department ng dzTM.
Inabot kami ng martial law. Napunta naman ako sa isang tabloid, ang Movie Flash. Malakas ang diyaryo namin dahil kami lang ang lumalabas noon bukod sa Daily Express.
At pagdating ng hapon ang office ni Manay Ethel sa Escolta ang aming istambayan. Doon mo kasi masasagap ang lahat ng latest sa entertainment news.
Parang hindi kumpleto ang araw ng lahat kung hindi sisilip man lang doon. Si Manay Ethel noon ang pro ng NGI Productions at editor ng Movielife Magazine na pag-aari rin ni Don Narciso G. Isidro ng Marikina.
Balikan natin ang unang gabi ng lamay, kabilang sa maaga roon si Aga Muhlach na matagal na naging alaga niya, kasama ang buo niyang pamilya. Naroroon sina Senador Bong at Rep. Lani Revilla.
Naikuwento sa amin ni Ate Len, ang isa pang kapatid ni Manay Ethel na si Senador Bong daw ang tumulong nang malaki sa hospitalization ni Manay Ethel.
Tapos dumating din si Senador Jinggoy Estrada, at noong later ay si Senador Robinhood Padilla, na akala mo hindi isang senador at siya pa ang lumalapit sa mga dati niyang kasamahan. Iyon ang charm ni Robin, iyon ang natutuhan niya kay Betchay Vidanes na manager niya, na nahasa naman sa style ng Viva noong araw.
Hindi matapus-tapos ang mga kuwentuhan na kung saan-saan na nauwi.
Kung hindi lamang alas-onse na, at kailangan na rin naming magpahinga, aba eh hindi pa matatapos ang kuwentuhang iyon.
Si Aga nung dumating kami ay nasa harapan, at nang nakita niya kami, lumapit sa amin sa gawing likuran ng memorial chapel.
Pero isipin ninyo ang isang sikat at kinikilalang mahusay na actor na gaya ni Aga, siya pang lumalapit sa mga kaibigan niya, at nang mag-request sa amin ang photographer na si Ben Niollora na kunan sila ng pic ni Aga, naalala pa niya ang pictorial namin noon sa bahay nila sa New York Street sa Cubao, ganoong kung ilang dekada na ang nakaraan.
Bihira ang artistang ganyan. At doon nga naiiba si Aga.
MTRCB, inakusahang may kinikilingan?!
Kampi kami kay Chairperson Lala Sotto ng MTRCB sa ginawa nilang supensiyon sa It’s Showtime.
Aba kahit na sinong may matinong kaisipan ang makausap namin, hindi sila pabor sa sinasabi ni Vice Ganda.
Hindi ‘yan isang gender issue, ang pinag-uusapan ay ginawa nila iyon hindi sa isang comedy bar kung saan palasak ang bastusan, kundi sa national television na maraming nanonood na kabataan.
Male starlet, ayaw magpa-display sa matrona!
Nagmamalinis pa ang isang male starlet na kulukadidang may siyang matrona, at gusto raw siyang i-display noon sa birthday celebration. Ayaw ng male starlet dahil malalagay raw sa alanganin ang kanyang career. Isipin mo nga naman boytoy pala siya ng isang matrona eh ang ginagawa niya ay puro indie films ng gays. Baka hindi na siya panoorin ng mga bading kung mabubuko na boytoy pala siya ng isang matrona.
Pero dapat niyang intindihin na ang binabayaran sa kanya ay ang pagkatao na niya, hindi lang ang pagsiping niya sa matrona kung gabi.
- Latest