Jose, totohanin ang pagiging Yorme?!
Ano man ang sabihin ninyo, mas maraming taong sumasalubong kay “Mayor” Jose Manalo, at may tumutugtog na siyang political jingle, kaysa sa dating Yorme na si Isko Moreno.
Ang sinasabi ng mga Yorme trolls, kasi naman daw iyang TVJ may advance party.
Aywan, palagay namin kahit na may banda pa sila ng musiko, hindi na nila makakayang tapatan ang sugod bahay gang.
At ang nakakatakot pa, kung totohanin ni Jose na kumandidato ngang mayor ng Maynila dahil gaya nga ng sinasabi niya, siya ay lehitimong taga-Tondo. Kung maging totoong mayor nga si Jose, ano pa kaya ang magagawa ni Yorme?
Mga kasalanan ng Showtime, inungkat
Suspendido nga ang It’s Showtime ng 12 broadcast days dahil sa mga naging reklamo ng publiko kaugnay ng sinasabing hindi magandang pagsubo ng icing ng cake nina Vice Ganda at Ion Perez sa harapan pa naman ng mga bata. Umaksiyon lang ang MTRCB sa naging reklamo ng mga taong nakapanood ng show, hindi sila mismo ang gumawa ng reklamo.
May nagsasabing napakahabang suspension naman noong 12 days.
May nagsasabi pang dapat sina Vice at Ion lang ang sinuspinde at hindi ang buong show.
Pero maliwanag sa ipinataw na suspensiyon ng MTRCB, hindi lang ang pagsusubo ng icing ng cake nina Vice at Ion ang diumano’y dahilan ng 12-day suspension kundi ang napakarami nang nangyari sa show na labag sa IRR ng PD 1986.
Inisa-isa nila iyong pagbibiruan nina Vice at Jhong Hilario sa isang episode na kung saan nila binanggit ang “g spot.” Mayroon pang isang episode na dahil sa kasuotan ng isang contestant binanggit nila ang salitang “pekpek shorts.”
Aywan kung nadulas o sinadya ni Vhong Navarro na banggitin ang salitang “tinggil” sa isa nilang episode.
Ang lahat ng iyan ay nakita ng MTRCB at binigyan sila ng warning, pero dahil siguro nga nasanay na sila sa puro warning lamang, hindi sila nag-iingat. Sa ganyang pangyayari, kailangan na nga silang patawan ng suspension para magtanda naman.
Nagtataka rin naman kami, ang Showtime ay inilalabas sa ZOE TV na tinatawag nilang A2Z simula nang mag-block time roon ang ABS-CBN. Iyang ZOE ay pag-aari ng Jesus is Lord Christian Fellowship ni Bro. Eddie Villanueva.
Napapanood ba iyan ni Bro Villanueva?
Showbiz gay, payag maging number 2 ng pamilyadong male star!
Ang ilusyon pala ng isang showbiz gay ay siya ang magiging number 2 ng isang male star.
May asawa na ang male star, at payag naman ang bading na number 2 lang siya. Payag din namn siyang lihim lamang ang kanilang relasyon. Kaso si male star ay madalas ding nangangailangan ng pera, kaya mapipigil ba niya iyong pumatol sa ibang bading kung kailangan?
Talagang ganyan lang naman iyan dahil ang relasyon ng bading at isang tunay na lalaki ay nakasalalay lamang sa datung na kayang ihatag ng bading.
- Latest