JC, walang paki ‘pag tinatawag na bakla
Pinaulanan ng papuri ng netizens ang pagganap ni JC Alcantara bilang parehong lalaki at isang bonggang drag queen sa serye ng iWantTFC na Drag You and Me, na pinagbibidahan din nina Andrea Brillantes at Christian Bables.
Dalawang personalidad ang ginagampanan ni JC bilang ang barakong lalakeng si Jason sa umaga, at ang naggagandahang drag queen na si Shania Lacroix sa gabi.
Isinisikreto kasi ni JC ang pagiging drag queen sa takot niyang hindi siya tanggapin ng kanyang pamilya na puro mga homophobe.
Bilib na bilib ang netizens sa kapani-paniwala na pag-arte ni JC bilang isang drag queen, na kumpleto sa bonggang makeup at mga enggrandeng outfit.
Marami rin ang natutuwa sa nakakakilig na mga eksena ni JC kasama sina Betty (Andrea) at Charlie (Christian), na pareho ring mga drag queen.
Hindi ba siya natatakot pagkamalang bading sa totoong buhay?
“Hindi, hindi po sa akin. Hindi ako natatakot like alam ko may naririnig ako na pinagsasabi ‘ay bakla ‘yan, bakla ‘yan’... Pero happy ako kasi at least effective ako bilang actor na nagampanan ko ‘yung role na ‘yun kaya kung ano man ‘yung tingin n’yo sa akin okay lang tanggapin ko ‘yung judge n’yo pero alam ko kung sino ako,” pahayag ng Kapamilya actor sa media conference ng Drag You And Me na kung saan nga naka-drag outfit siya at rumampa pa.
Hindi ka nag-e-explain kapag may naririnig kang ganun para itama ang kanilang impression?
“Parang mas hahaba pa kapag nag-explain ako kung sino ako. Bahala na kayo kung anong iisipin n’yo sa’kin kasi ako po ‘yung taong walang akong pakialam kung anong tingin mo sa akin, kung sino ako basta ‘yung mga friends ko sila-sila na nakakakilala sa akin ‘yun ‘yung mas paniniwalaan ko. ‘Yun ‘yung mas sasamahan ko,” katwiran pa nito.
Tanggap niya ang lahat at nirerespeto kahit anong gender or sexuality.
“Sa inyong lahat kasi love is not about gender eh so kailangan accept mo lahat, kailangan irespeto natin lahat, mahalin natin lahat. Kung ano ka man dapat tanggapin mo. I know it’s hard for them but you know it takes time. Mahirap pero ‘pag nakawala ka kung sino ka, magiging happy ka magiging malaya ka. Makakalipad ka,” dagdag pa ng aktor na confident sa kanyang pagkalalaki.
Pero nang tanungin siya kung sino sa mga aktor ang gusto niyang makalaplapan kung papipiliin siya, ang kanyang sagot “Wait ang hirap mamili ah.”
“Si Tony (Labrusca) pa rin. Tony Labrusca saka siguro i-try ko si Enchong Dee. Try ko rin mas old, gusto ko mas ma-challenge din ako siguro. Si Papa P (Piolo Pascual), pwede rin.”
Nagkatrabaho na sina Tony at JC sa BL series at pelikulang Hello Stranger na nabanggit noon ni JC na naging friends talaga sila ni Tony sa totoong buhay.
Sina Tony, Enchong at Piolo ay ayaw tigilan ng intriga tungkol sa kanilang sexuality pero tamang duda lang ang lahat.
Pero tulad ni JC wala rin silang pakialam sa sinasabi ng iba dahil alam nga siguro nila ang totoo.
- Latest