Apo ni Marco Sison, natulad sa kanyang tito na namatay sa car accident
Nakakagulat nang kumalat ang balitang pumanaw ang apo ni Marco Sison, na si Andrei Sison, na ila-launch sana into stardom ng Sparkle ng GMA Network na namatay sa isang aksidente sa Commonwealth Avenue, pero walang detalyeng lumabas kundi ang maikling statement lamang ng GMA. Kaya ang ginawa namin ay hinanap namin ang mga kaibigan namin sa pulisya para malaman ang totoong pangyayari.
Galing diumano sila Andrei sa gawing Fairview at patungo sa may area ng Quezon City Circle nang mabangga sila sa isang Ford EcoSport na minamaneho naman ng isang kinilalang si Jeremiah Lopez, isang accountant na residente rin ng QC. Dahil doon nawalan ng control sa sasakyan nila Andrei na bumangga sa concrete sign ng New Intramuros Village. Ang kanilang kotse ay isang BMW Sedan, na minamaneho diumano ni Paulo Buera. Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ang mga biktima ng aksidente at si Andrei ay agad na idineklarang DOA. Kalaunan ay pumanaw rin ang driver na si Buera at isa pang Arman Velasco na kasama rin nila. May isa pang Sparkle artist na kasama nila, si Josh Ford na nasaktan din pero ‘di nagtagal kinumpirma ng GMA Network na nakalabas din sa ospital at nagpapagaling na lang sa bahay. May isa pang netizen na nakakuha ng picture ni Andrei habang ipinapasok sa EAMC, pero sinasabing noon ay wala na siyang buhay.
Si Andrei ay anak ni Marco Salvador na naging member din ng That’s Entertainment noong araw. Si Marco ay anak naman ni Marco Sison kay Maritess Salvador, na kapatid nina Leroy Salvador, Alona Alegre, Phillip Salvador at Mina Aragon.
Dahil galing nga siya sa isang showbiz clan, at may talent din naman at followers sa TikTok dahil sa kanyang pagsasayaw, kaya kinuha siya agad ng GMA 7. Si Andrei ay nasa ilalim din ng co-management ni Manny Valera. Pero dahil sa kahilingan ng pamilya na bigyan sila ng privacy sa panahon ng pagdadalamhati, hindi muna naglabas ng detalye pero sinasabi nilang simula kagabi ay pinayagan na nila ang publiko na gustong makakita sa labi ni Andrei sa Loyola Chapels sa Commonwealth. Nakakagulat iyan, pero ang usapan ay mukhang may signos ang mga batang Salvador sa kotse.
Ang tiyuhin din niyang si Jonjon Hernandez, na anak naman nina Alicia Alonzo at Chichi Salvador na lalong kilala sa screen name na Ross Rival, ay namatay sa isang aksidente nang bumangga siya sa isang concrete barrier sa isang madalim na bahagi ng NLEX. Patay rin si Jonjon on the spot.
Sumikat siya noon bilang isa sa Bagets 2 ng Viva at miyembro rin ng That’s Entertainment ni Kuya Germs (German Moreno). Marami nang mga artistang namatay sa mga aksidente nang madaling araw. Pinakakontrobersiyal ang naging pagpanaw ng sexy star na si Claudia Zobel. Ganoon din ang naging kamatayan ng sikat ba singer na si Ric Segretto.
Baka makalimutan pa natin, may show nga pala sa Winford Hotel sa Maynila, sa Marso 31 ang aming kaibigang si Richard Reynoso. Makakasama niya ang grupo nilang OPM Hitmen na binubuo nina Chad Borja, Renz Verano at Rannie Raymundo.
Bukod sa mga hit na kakantahin nilang apat, maririnig din ang kanilang solo hit songs nang solo. Iyan ang hinihintay ng maraming fans na gustong mag-throwback, ang mga awiting nagawa nilang malalaking hit, noong panahong sinasabi ngang “ang musika ay tunay na musika pa.” Wala pa iyong puro ingay lang naman ang maririnig mo.
Ang OPM Hitmen, kung saan-saang key cities at sa abroad na ang kanilang mga performance, kaya basta may show na sila sa Metro Manila, samantalahin na ninyong panoorin sila. Sa Hippodrome Bar sa second floor ng Winford Hotel sa ganap na 8 p.m. ang nasabing concert. Teka baka naman maitanong ninyo kung bakit Hippodrome? Kasi ang lugar na iyon ay iyong dating karerahan ng San Lazaro, dating Manila Jockey Club Hippodrome.
- Latest