Pamilya ng aktor, sustentado ng kanyang ex-aktres!
Dahil siguro break na, may mga kuwentong lumalabas tungkol sa pagmamahal at paggastos ng isang sikat na aktres sa pamilya ng kanyang ex-boyfriend. Hindi pala nagse-celebrate ng Christmas ang pamilya ng actor dahil kulang sa pera at dahil hindi naman daw sila binibigyan ng sustento ng anak.
Noong may relasyon pa ang ex-couple, ang aktres pa raw ang gumastos para lang makapag-celebrate ng Christmas ang pamilya ng aktor. Kaya labis daw ang pasasalamat ng pamilya ng aktor sa ginawa ng aktres.
Pati gadgets na gagamitin ng mga kapatid ng actor sa school, gaya ng laptop, ang aktres pa rin ang bumili dahil wala nga silang suporta from her brother. Marami pa raw ginawa at ibinigay ang aktres sa pamilya ng aktor, kaya wala raw masabi ang pamilya ng aktor nang maghiwalay ang dalawa.
Ayon sa fans ng aktres, kapag siniraan ng pamilya ng aktor ang aktres, magsasalita sila at sasabihin ang mga alam nila. In fairness naman, tahimik ang pamilya ng aktor sa paghihiwalay ng kanilang kapatid at aktres.
Jona, babalik sa GMA?!
Bakit may balitang babalik sa GMA Network si Jonalyn Viray? Nag-expire na raw ang kontrata nito sa ABS-CBN at babalik na siya sa Kapuso Network. Matatandaang malaking balita ang pag-alis niya sa GMA noon para lumipat at pumirma ng kontrata sa ABS-CBN.
Natatandaan namin, naimbita kami ng ABS-CBN nang ipakilala nila siya sa media at sa contract signing nito. Sa tanong kung bakit siya lumipat, ang naalala naming sagot nito ay gusto niyang mag-explore at magawa ang hindi nagawa sa GMA na in fairness, nagawa at ibinigay sa kanya ng Kapamilya network.
Sa contract signing din niya sa ABS-CBN, ipinaalam na sa halip na Jonalyn, makikilala na siya bilang si Jona. Hanggang ngayon, ‘yun ang pangalang ginagamit niya at kilala siya.
Tanong ng fans, kapag bumalik ba sa GMA si Jona, ibabalik din niya ang kanyang pangalan sa Jonalyn? Isa pang tanong, kapag nasa GMA na siya, ibabalik ba ang La Diva group nila nina Aicelle Santos at Maricris Garcia?
Jayson, ginawang consultant si Pokwang
Kinonsulta pala muna ni Jayson Gainza si Pokwang bago siya pumirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center. Nakuwento ni Jayson ang tungkol dito sa exclusive interview sa kanya ng GMANetwork.com.
Kuwento ni Jayson, “Si Mamang (Pokwang) ang napagtanungan ko kasi, nauna nauna siyang lumipat at gaya ko rin na may pamilya na kailangang ng trabaho. Sa kanya ako nagtanong at tinulungan naman niya ako.”
Ngayong Sparkle talent na siya, ang pangako ni Jayson, sisikapin niya na ibalik ang tiwala ng mga bossing ng Kapuso Network sa pagtanggap sa kanya.
“Masaya ako na tinanggap nila ako kasi hindi naman lahat puwedeng tanggapin sa Sparkle. Kung ano ‘yung nakita nila sa akin na potential pinagpapasalamat ko at sisikapin ko na mas mapabuti ang trabaho at hindi sila bibiguin,” dagdag ni Jayson.
Napapanood si Jayson sa Happy ToGetHer at naggi-guest co-host sa TiktoClock.
Alex, may bagong video na may pahiran ng cake
May bagong birthday video si Alex Gonzaga na nag-viral at may mga kasama siyang ilang waiters na nakatayo. Kuha raw ng Unce Jojo ni Alex ang video na nag-birthday noong Jan. 16 at 35 years old na siya.
Intimate birthday party ang second birthday party ni Alex kasama ang kanyang pamilya. Mapapanood sa video na sine-serve si Alex ng cake ng waiters at kinantahan siya ng ‘happy birthday’ pagkatapos.
Sa pagtatapos ng video, mapapanood siya na nakikipagbiruan sa mga waiter at kunwari papahiran niya ng icing ng cake ang mga waiter. Hindi nito itinuloy, re-enactment lang pala ng controversial smearing of cake ang kanyang ginawa. Kung kanyang itinuloy, siguradong malaking kontrobersiya na naman ‘yun.
- Latest