P63 milyong frozen foods galing Hong Kong, China nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Umaabot sa P63 milyong halaga ng mga smuggled frozen foods na nagmula sa Hong Kong at China ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).
Sinabi ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz na nakatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-MICP ng impormasyon tungkol sa dalawang container mula sa Hong Kong at dalawang container mula sa China na idineklara na mayroong libu-libong kilo ng frozen prawn balls na ang bawat container ay sinasabing naglalaman ng P15.75 milyon na halaga ng misdeclared goods.
Naglabas ang BOC ng dalawang Alert Orders (AOs) laban sa Victory JM Enterprise OPC, ang importer ng dalawang container mula sa Hong Kong, na parehong idineklara na naglalaman ng 25,000 kilo ng frozen prawn balls na dumating noong Nob. 17.
Ngunit sa pag-inspeksyon, ang unang container ay may frozen na tofu, chicken paws at boneless beef, habang ang pangalawang container ay mayroon ding frozen tofu, Vietnamese suckling pig, at beancurd skin.
Dalawa pang AO ang inisyu sa dalawang container na dumating mula sa China noong Nob. 18 na idineklara rin na may frozen prawn balls ngunit nang buksan ito ay naglalaman ng mga frozen fish tofu at frozen beef cheek meat.
Mahaharap ang consignee sa kasong paglabag sa Sec. 1400 (misdeclaration in goods declaration) na may kaugnayan sa Sec. 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) habang inirekomenda naman ng CIIS-MICP ang pagpapalabas ng warrant of seizure and detention (WSD) laban sa mga smuggled goods.
- Latest