^

Pang Movies

Dating singer at aktres na si Sylvia La Torre, maraming iniwang alaala sa showbiz  

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Dating singer at aktres na si Sylvia La Torre, maraming iniwang alaala sa showbiz           
Sylvia

Pagdating ng Sabado, alas-siyete ng gabi, noong panahon ng aming kabataan na bihira pa naman ang TV, nakikinig kami sa radio at paborito namin iyong comedy na Tang Tarang Tang, na ang bida ay si Pugo at Bentot. Ang love team noon ay si Sylvia La Torre at si Leroy Salvador. Si Sylvia sa istorya ay anak naman ni Rosa Aguirre. Nakikinig lang kami pero natatawa na kami at masaya na kami roon.

Nang pumasok ang telebisyon, doon na namin napanood si Sylvia La Torre, kung saan kasama naman niya sina Oscar Obligacion, Eddie San Jose, and Vic Pacia.

Doon din nagsimula ang grupong Tatlong Mango­ngopya na binubuo nina Maning Rivera, Tony Santos Jr., at Maning Bato.

Kanya-kanya silang gimmick. Si Vic Pacia ang OA sa grupo, kailangan laging OA ang kanyang reaksiyon. Si Oscar Obligacion naman, magaling sumundot ng comedy. Ang gimmick ni Sylvia, “no touch.”

Hindi siya puwedeng hawakan o dikitan, at iyon ay pinagmumulan ng tawanan. Akala ng iba, totoong masyadong seloso si Dr. Celso de Tagle na asawa ni Sylvia, pero gimmick lang iyon para sa show.

Magaling kumanta si Sylvia, at marami siyang ginawang plaka, pero ang tumanim sa aming isip ay ang kantang Kalesa at iyong Pandangguhan.

Mahirap na kanta iyong Pandangguhan, kasi staccato, parang rap ang ginawa roon ng national artist na si Mang Levi Celerio, na naging kaibigan din namin, kakuwentuhan at kalaro ng dama sa isang barberya doon sa kalye P. Gomez sa Quiapo. Artista rin ang nanay ni Aling Sylvia, hindi namin matandaan ang pangalan, pero ang tatay niya ay ang director na si Olive La Torre. Pinag-aralan niya ang pagkanta. Nagtapos siya sa UST School of Music.

Bata pa siya kumakanta na raw pero sumikat siya noong sumali siya sa grupo ng Manila Grand Opera House noong 1948. Grupo iyon ng original na master showman na si Lou Salvador Sr. Iyang si Papang, nakapanood ng vodaville sa Hawaii at ang sistemang iyan ay dinala niya sa Pilipinas. Diyan nagsimula ang stage shows.

Sabi nila, ang unang ginawang plaka ni Aling Sylvia ay iyong Si Petite Mon Amour, na ginawa niya sa ilalim ng Bataan Records noong 1950. Hindi pa kami tao noon at hindi na namin narinig iyon. Pero nang lumipat siya sa kumpanya ni Don Manoling Villar, mas marami siyang nagawang plaka, tinawag siyang Reyna ng Kundiman, iyan ang traditional na love songs na Pilipino. Hari naman ng kundiman si Ruben Tagalog.

Pero mukhang nagsawa na rin si Aling Sylvia kaya bihira na siyang lumabas noong malaunan, pero ang sinasabi nga sa amin noon ni Kuya Leroy Salvador, isa raw iyan sa mga artistang may magandang buhay.

In fact noon may kuwento pa nga si Kuya Leroy na base sa buhay ni Sylvia La Torre, kaya lang naunahan ng musical ni Katy dela Cruz, na kung tawagin ay grand dame of vodaville.

Kamakalawa, 7:02 ng umaga, sinasabing pumanaw na si Aling Sylvia sa kanyang pagkakatulog. Hindi na siya nagising. Nasa tabi niya nang pumanaw siya ang kanyang asawang si Dr. Celso de Tagle at ang kanyang mga anak. Siya ay 89 years old.

Sa pagpanaw ni Aling Sylvia, isang yugto ng show business ang natapos. Nauna nang yumao ang lahat halos ng kanyang mga kasama at kasabayan artista noong araw.

Ang ikinakatuwa lang namin, nakapaglabas pa ang Villar ng isang CD kung saan naipon ang lahat ng kanyang magagandang kanta.

Sayang, siguro nga wala na tayong makikitang kopya ng kanyang mga pelikula. Isang mahusay na singer at aktres si Aling Sylvia.

vuukle comment

SYLVIA LA TORRE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with