Samahan ng mga singer at artista sa bansa, walang ‘power’
Tama ang ating kaibigang si Richard Reynoso. Hindi dapat patigilin maging ang concerts ng mga Koreano at sinumang dayuhan sa Pilipinas. Kasi kung pipigilan sila, parang nililimitahan mo ang artistic freedom ng mga tao. Hindi nila kasalanan kung sikat sila.
Ang dapat gawin, sabi niya, singilin din sila ng “artists equity,” kagaya ng ginagawa sa ibang bansa. Iyong isang porsiyento lamang ng kanilang gross income ay sapat na para magkaroon ng pondo para sa artists, at iba pang manggagawa sa entertainment industry na nawalan ng trabaho at kailangang matulungan sa kanilang pagpapagamot, at kung namatay sa pagpapalibing sa kanila. Hindi sila magiging kawawa gaya ngayon na kung kailan may sakit na, o namatay na, at saka ipinanghihingi ng abuloy.
Pero may isang problema riyan. Sa US at maging sa ibang malalaking bansa, mayroong artists union. Hindi puwedeng magtrabaho sa kanila ang hindi miyembro ng kanilang union. Kung hindi ka kasali sa union, magbabayad ka ng equity. Eh dito sa Pilipinas walang legal na union ang manggagawa sa entertainment. Puro lang sila guild. Dahil hindi sila legal na union, hindi nila mapipigil ang hindi nila miyembro na magtrabaho sa Pilipinas, papaano sila maniningil ng equity?
Hindi maaaring gumawa ng batas na ang maniningil ng equity ay isang pribadong samahan. Hindi puwede ang OPM (Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit) dahil hindi union iyan. Hindi rin puwede ang Film Academy, dahil binubuo lamang iyan ng mga guild.
Maaari iyan kung gagawin na nilang isang legal at pormal na union ng mga manggagawa ang kanilang samahan. Kung hindi, ‘di sila makakapaningil ng equity.
Nakita ninyo, iyang mga guild puro memorandum of agreement lang ang napapasukan. Hindi sila makagawa ng legal na “collective bargaining agreement” para sa mga manggagawa na mas matibay sana, kasi hindi naman sila workers’ union.
Galit ni Rizal sa mga pari, pinag-uusapan
Natutuwa naman kami at dahil sa high rating na serye ng Channel 7 na ibinatay sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal ay muling nabibigyang pagsusuri ang kuwento. Natutuwa kami sa seryeng iyan ni Barbie Forteza na Maria Clara at Ibarra, pero mukhang hindi nga nakakatuwa ang kuwento na masyadong pinasasama ang mga paring Franciscano, dahil sa characters na sina Padre Damaso at Padre Salvi.
Hindi naman kasalanan ng Channel 7 iyon, dahil si Rizal ang gumawa noon, pero kung pag-aaralan, ang may hawak ng mga lupang sakahan noong kanilang panahon sa Calamba ay ang mga Dominicano. Ang parokya ng Calamba noong panahon ni Rizal ay pinangangasiwaan na ng isang paring secular ayon sa tala ng kasaysayan, si Padre Leoncio Lopez, na sinasabing kaibigan pa ng kanilang pamilya.
Si Rizal ay nag-aral sa ilalim ng mga Heswita ng Ateneo, at ng mga Dominicano sa UST. Wala siyang nakasamang Franciscano. Mali rin ang identity na si Damaso ay isang mongheng Franciscano, dahil ang monastic order ay dumating lamang sa Pilipinas noong 1895 nang nagdatingan ang Benedictines, tapos nang isulat ni Rizal ang Noli at Fili.
Kung ano ang pinagmulan ng galit ni Rizal sa mga Franciscano ay hindi alam, maliban siguro sa paniniwala ng kapatid niyang si Paciano na isang paring Franciscano ang nagpahamak sa Pilipinong paring si Jose Burgos. Pero dahil iyon ang kuwento, iyon ang ipinalalabas ngayon sa telebisyon, na napaka-unfair sa mga paring Franciscano na kung titingnan ninyo ang kasaysayan, napakalaki ng ginawa sa ikabubuti ng Pilipinas. Sino ba ang nagsimula ng wood carving industry sa Paete? Sino ba ang mga unang nagtayo ng ospital?
Kontrobersyal na male star, pinatotohanang manyak
Hindi nila ipinagtatanggol o itinatago ang alam nila. Sinasabi nila “talagang maniac iyan” tungkol sa isang male star na controversial ngayon. Sinasabi rin nila totoo, bisexual iyon at maging lalaki o babae talagang pinagnanasaan.
- Latest