Higit 1K pamilya apektado ng flash floods at mudslides sa Ifugao
MANILA, Philippines — Nasa 1,052 na pamilya ang apektado sa nangyaring pagragasa ng landslide at mudslides sa bayan ng Banaue, Ifugao batay sa pinakahuling talaan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Ayon kay Aguinaya Cabanayan, hepe ng Banaue-MSWDO, ang mga apektadong pamilya ay mula sa 9 na barangay ng Banaue na matinding sinalanta ng pagbaha at landslide na ikinasugat din ng 3 katao.
Batay sa kanilang pinakahuling talaan, umabot na rin sa 1,044 na mga kabahayan ang bahagyang nawasak habang tatlo naman ang tuluyang nawasak matapos daanan ng rumaragasang tubig na may kasamang putik at bato.
Labis na napinsala ang mga tahanan na nakaapekto sa mga residente ng Barangays Poblacion, Tam-an, Bocos, Poitan, Amganad, Gohang at Viewpoint.
Mabilis naman na nag-aabot ng tulong ang pamunuan ng DSWD kung saan agad silang nakapaghatid ng 500 food packs, na nagkakahalaga sa P339,375, at sinundan ng karagdagang 1,000 food packs para sa mga apektadong residente.
Ayon kay Cabanayan, nagsimula na rin na dumating ang mga tulong mula sa iba’t ibang ahensya, organisasyon at mga pribadong sektor kabilang na ang mga indibidwal na nagpahatid ng kanilang mga tulong sa mga nasalantang residente.
- Latest