Janine Berdin, mula sa puso ang inilabas na debut ep
MANILA, Philippines — Iba’t ibang kwento at emosyon ang ipinapakita ng Tawag Ng Tanghalan season 2 grand champion na si Janine Berdin sa kanyang debut EP na pinamagatang WTF I actually wrote these songs.
Inilabas noong Biyernes (June 10) ang mini-album na meron na agad 1.5 million streams sa Spotify kung kaya’t kinilalang biggest gainer si Janine na umangat ng 35 spots sa Top Artists Philippines list ng music platform sa bilang na #150 noong June 11. Kasalukuyan din siyang nagtataglay ng monthly listeners na higit sa 500,000.
“Crying because I have half a million monthly listeners and a song of mine is on the charts, and people are listening to my EP,” naiiyak na pahayag ni Janine sa Instagram.
Puno ng relatable emotions na talaga namang pinagdadaanan ng mga tao ang WTF I actually wrote these songs EP. Isinulat niya ang album tracks mula sa puso para maipakita ang kanyang makulay na personalidad bilang artist.
Kasama sa EP ang mga bagong awitin na Araw-araw, Ikaw, I’m Not Her, Padayon Lang, at SHE WAS ONLY 16.
Mapapakinggan din dito ang mga nauna na niyang inilabas na kanta na Pagod Na Ako na prinodyus ni JK Labajo at ang The Side Character. Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang siyang nagprodyus ng album sa ilalim ng Star Music label.
Unang nakilala si Janine nang magwagi siya sa Tawag Ng Tanghalan singing competition ng It’s Showtime noong 2018.
- Latest