Mga sinehan, mas mahaba ang oras sa disinfection!
Napuna lang namin na ang pelikulang Tagalog na nagbukas sa mga sinehan ay mayroon lamang tatlong screenings sa buong maghapon. Ang sinasabing dahilan ay matagal daw talaga ang interval sa bawat screening dahil sa safety protocols na ipinatutupad na kailangang mag-disinfect muna ang mga sinehan bago magpapasok ng kasunod na audience.
Dati, nagwawalis lamang sila at inaalis ang mga kalat sa loob ng sinehan na mabilis nilang nagagawa, at pinapapasok na ng tao para sa susunod na screening, ngayon ay hindi raw puwede iyon, dahil pagkatapos ng disinfection, kailangang pasingawin muna ang residue ng ginamit na disinfectant.
Isa pa, sinabi rin nila na kakaunti pa naman ang nanonood, kaya nga nilagyan nila ng pagitan ang screening hours na magsisimula ng ala-una, alas-kuwatro at alas-siete ng gabi. Maaari naman daw bawasan ang interval at magdagdag ng screening kung talagang marami ang manonood, pero sa ngayon hindi pa kailangan iyon.
Sa ganyang sitwasyon, wala ngang makapagsasabing pinagdadamutan ng mga sinehan ang pelikulang Tagalog. Ang katuwiran nga nila, bakit ipapasok mo sa napakaraming sinehan kung wala pa namang masyadong manonood? Mahahati lang ang audience sa mga sinehan at lalong liliit ang gross, na disadvantage din ng producers dahil kung hindi sila aabot sa minimum quota, babayaran pa nila ang minimum guarantee ng mga sinehan.
“Ang umaagal lang naman ay iyong mga bagong producers na hindi pa sanay sa pelikula. Hindi kasi nila alam na kung mahahati ang kita sa mas maraming sinehan, mas marami silang ka-share at liliit din ang kita nila,” sabi ng isang theater manager.
Nasanay kasi tayo na binubuksan nang maaga maski ang mga sinehan sa malls para mas maraming screenings dahil hit ang pelikula. Karaniwan ay lima hanggang anim na screenings pa ang kanilang ginagawa. Pero ngayong matamlay pa ang audience, dahil marami pang walang trabaho, walang pera o natatakot pa sa COVID, talagang limitado pa ang nanonood ng sine.
Bret, mas nakilalang anino ni James
Madaling araw na nang matiyempuhan namin sa telebisyon ang isang pelikulang drama, na ang bida ay ang komedyanteng si Pokwang at ang male starlet na si Bret Jackson. Si Pokwang magaling naman talaga, pero nagulat kami sa acting ni Bret Jackson. Para kasing ang natanim sa isip namin ay parang alalay lang siya ng kaibigan niyang si James Reid.
Siguro nga limitado lang naman kasi ang roles na magagawa niya sa pelikula dahil talagang mukha siyang foreigner, at bulol ang pagsasalita niya ng Tagalog, pero kung bibigyan talaga ng pagkakataon, maihahanap ng role iyan. Hindi ba ganoon din naman si James Reid, na kahit naman ngayon hindi pa matatas na magsalita ng Tagalog.
Kung mabibigyan lang ng chance iyang batang iyan, kahit na sa BL movies, puwedeng umangat ang career niya.
- Latest