Rey PJ, nagpasalamat na naikasal na si Carla
MANILA, Philippines — Kahapon ay matatapos na ang 10-day quarantine ng buong stars at staff ng drama series na I Left My Heart in Sorsogon.
Kapag negative na silang lahat sa susunod na antigen test, isasalang na sila ngayong araw sa huling cycle ng taping.
Na-enjoy ng buong cast ang taping lalo na’t ang iba sa kanila ay ngayon pa lamang sila nagsasama-sama.
Sabi nga ng isa cast na si Jennie Gabriel, parang workcation daw ang nangyari sa kanila. Nagti-taping sa Sorsogon, pero na-enjoy raw nila ang lugar na ang sarap daw talagang magbakasyon.
Kasama rin sa naturang drama series si Rey ‘PJ’ Abellana na nagpasalamat dahil nung schedule ng pagpapakasal ng anak niyang si Carla Abellana kay Tom Rodriguez, nasa break pa sila.
Kaya naihatid pa raw niya sa altar ang kanyang anak bago siya ipinasok sa quarantine. Masayang-masaya ang aktor sa katatapos na kasal ng kanyang anak dahil nakikita raw niyang masayang-masaya ito at talagang perfect na si Tom ang ibinigay ng Diyos kay Carla. “Mainly ako kabisado ko siyempre ‘yung anak ko. Alam ko ‘yung choice niya. Alam ko ang mga desisyon niya.
“Very positive naman everything and we are very happy and welcome talaga namin si Tom sa pamilya,” pakli ni Rey PJ.
Ang dami ngang pumuri sa katatapos na kasal dahil maayos ito, ang classy kahit nagkaroon pa ng konting problema bago dumating ang araw ng kasal.
Kailangan daw nilang maglipat ng venue ng kasal at pati ang reception dahil sa safety protocols na dapat sundin. “Inspite of everything, for the last minute kailangan pang i-relocate ‘yung wedding. ‘Yung reception, venue… to the last minute because of the pandemic.
“Napalayo pa lalo ‘yung pangalawang venue sa original venue na supposed to be sa Tagaytay lamang. But then, it turned out to be smooth, very successful, very happy, enjoy and very memorable.
“Salamat naman sa Diyos na naitawid naman lahat at successful,” masayang tsika ng aktor.
Siyempre, ang inaabangan ay ang magiging apo niya mula kina Carla at Tom.
Sana nga raw ay soon na.
Jennylyn, ‘di tinago ang hirap sa pagbubuntis
Nung pumutok ang balitang nagdadalangtao si Jennylyn Mercado, may ilan na kaming kuwentong nasasagap tungkol sa kalagayan ng Kapuso Ultimate Star.
Isa na nga rito ang mahirap niyang pagbubuntis. Kaya naisipan na pala nilang dumaan sa surrogacy dahil gusto naman talaga nilang magka-baby.
Akala namin, ayaw na nila itong ilabas, pero binanggit na rin pala ni Jennylyn sa isang interview.
Nai-tweet na rin niya ito kahapon na meron na pala silang napiling surrogate mother.
Tweet ni Jennylyn; “Nakailang fertility treatments rin ako mula Pinas hanggang sa States. Sobrang nahirapan ako to produce eggs, but after all those treatments we got 1 perfect embryo. May surrogate na kami but it was destiny na gusto ni baby na ako ang magdala.”
Ang tanging hangad lang namin at idinadasal na maging safe lang ang kanyang pagbubuntis.
Ibang-iba naman ito sa pagbubuntis niya noon kay Jazz, dahil nandiyan si Dennis Trillo na nagbabantay at nakaalalay sa kanya.
- Latest