^

Pang Movies

K Brosas, nag-iipon uli para ituloy ang pinagagawang bahay na tinakbuhan ng contractor

SOME LIKE IT HOT - Vinia Vivar - Pang-masa
K Brosas, nag-iipon uli para ituloy ang pinagagawang bahay na tinakbuhan ng contractor
K Brosas

Hindi napigilang maging emosyonal ni K Brosas nang humarap siya sa entertainment press kahapon via Zoom habang ikinukuwento ang hirap na pinagdaanan niya sa pagpapagawa ng kanyang bahay sa Quezon City.

Matatandaang last Friday ay ipinost ni K sa kanyang social media accounts ang paghahain niya ng pormal na reklamo laban sa contractors na kinontrata niya para gawin ang kanyang bahay.

Sa kwento ni K sa kanyang post, mahigit P7 million na ang kanyang naibigay sa contractors pero inabandona raw ang kanyang bahay at hindi na tinapos.

“Nakakalungkot lang na kahit malaking pera na ang nabigay ko at kung tutuusin tapos ko na ang pagbabayad sa buong halaga, mahigit kumulang 7 milyon.. inabandona pa ng pinagkatiwalaan ko ang nasabing bahay,” ang bahagi ng kanyang post.

Sa virtual presscon kahapon ay ibinahagi ni K ang ibang detalye ng pangyayari.

Kwento niya, taong 2018 daw nang magsimula siyang magpatayo ng bahay. May kinausap siyang contractor at sa loob ng isang taon ay nabayaran niya ito in full. “Binayaran ko in one year, buo, cash, and then, dapat tapos na siya (ang bahay), may kontrata naman po kami, legal lahat. Hindi natuloy, hindi natapos. Syempre, stress ‘yun, ‘di ba? Kasi nakapagbayad na po tayo ng malaking halaga,” kwento ni K.

Pinag-ipunan daw niya ang perang ibinayad niya at talagang binayaran niyang buo dahil ayaw daw niyang mangutang or mag-loan sa bangko. Ayaw daw niya na may iniintindi pang utang.

Mga kaibigan daw niya ang kinuha niya para i-construct ang kanyang bahay na kumbaga ay talagang pinagkakatiwalaan niya.

Wala pa raw 35% ang naitayo sa kanyang bahay at pagkatapos daw ay inabandona na ng contractors.

Ilang beses na raw siyang nakiusap at iniyakan pa niya ang mga ito na kung hindi kayang tapusin ay ibalik na lang ang kanyang pera. Pero wala raw nangyari sa kanyang pakiusap kaya napilitan na siyang magsampa ng kaso.

Napaiyak si K habang ibinabahagi kung paano nawasak ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng simpleng bahay.

“Napaka-simple lang po ng bahay, wala pong swimming pool, para sa amin lang po ng anak ko. Ang pinaghandaan ko lang po du’n, ‘yung walking closet, tapos ‘yung mala-spa ng banyo. ‘Yun lang.

“Tapos, puro pangako. So, ‘yung anxiety disorder ko, nag-peak. Tapos, syempre, mga naging kaibigan mo kaya mas masakit,” emosyonal na sabi ni K.

“Masakit kasi, ang tagal kong nakiusap, ang tagal kong nagmakaawa pero walang nangyari. Kailangan talagang umabot sa ganito, kasi parang wala nang respeto,” she said.

Ayaw nang idetalye pa ni K kung ano ang kasong isinampa niya at kung sinu-sino ang taong involved.

Sa ngayon ay naghihintay daw sila ng sagot mula sa kabilang kampo and from there, saka pa lang malalaman ang susunod na hakbang.

Plano pa rin niya, of course, na ituloy ang pagpapagawa ng kanyang dream house pero kailangan muna niya ulit mag-ipon. Thankful naman siya na may mga dumadating na projects at hindi naman siya pinapabayaan ng kanyang management, ang Cornerstone Entertainment at lagi naman daw siyang binibigyan ng labada (raket).

Kasalukuyan siyang napapanood sa Sing Galing ng TV5 as one of the hosts at may pelikula rin siyang malapit nang ipalabas, ang Will You Marry with Elisse Joson na kinunan pa sa Denmark.

vuukle comment

K BROSAS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with