Mga budget ng pelikula ngayon, pang teleserye lang noon!
Nakita namin ang isang maikling video ng komedyanteng si Mura, na nagsabing gusto niyang bumalik sa showbusiness, para mas kumita at matulungan ang kanyang pamilya.
Inamin din niya na hirap sila sa buhay ngayon, kahit na nga mula sa kanyang mga kinita noon ay nakabili siya ng tatlong ektaryang lupa na tinataniman niya ngayon. Naaksidente pa raw siya at pipilay-pilay na nga kaya maski na sa pagpunta niya sa kanyang lupa, hirap siyang maglakad dahil may kalayuan din sa kanilang tahanan.
Noong isang araw, si John Regala naman ang nanawagan para bigyan din siya ng trabaho sa showbiz.
Pero may isang masakit na katotohanan. Bigyan ka man ng trabaho sa showbiz. Sabihin man nating tutulungan ka ng mga pinaka-malalakas na “backer” sa industriya at sabihin mang ang galing-galing mo nga, hindi pa rin ‘yan katiyakan na makakabalik ka sa showbusiness. Kasi hindi ang mga artista o mga producer o mga director ang magsasabi kung sino ang magiging artista kundi ang publiko.
Tingnan ninyo, may sinasabing napakagaling umarte, at nanalo na ng lahat ng matataas na awards, pero wala pa ring trabaho kasi hindi naman kumikita ang kanyang mga pelikula. Natural sa ganoong sitwasyon uurong din ang kapitalista. Kaya tingnan ninyo ngayon, may magagaling na director daw na kailangang makahanap ng bagong financier para sa susunod nilang pelikula, dahil ang unang financier nalugi na.
Marami kang maririnig na kumita ang kanilang pelikula, pero bakit hindi na halos makangiti ang kapitalista? Hindi natin maikakaila na ang mga financier sa industriya ay nariyan para sila kumita, hindi para mapuri lang ng mga bayad na pralala.
Tingnan din ninyo ang sinasabing mga higanteng kumpanya ng pelikula. Tumigil na ang Seiko bago pa ang pandemya. Nang magkaroon ng pandemya, wala nang sine at sa internet na lang inilalabas ang mga pelikula, nasara pa ang ABS-CBN, tumiklop na rin ang Star Cinema. Ang Regal at Viva, bagama’t gapang dahil sa internet na lang sila palabas, at siguro kumikita pa sa tv rights, at sa pagpapalabas nila sa cable, pero hindi na nila kayang gumawa ng mga high budget films na ginagawa nila noon. Lahat ng pelikula nila “quickie” o iyong tinatawag na “indie” ngayon. Tipid sa trabaho, tipid sa tao, maliit lang ang budget
na parang tv show lang noong araw.
Maraming stars, sumikat noong araw at gustong makabalik. Pero gamitin naman nila ang isip nila, kung sumubok na sila nang minsan o makalawa at walang nangyari, mag-isip na sila ng ibang negosyo.
RIP Anselle...
Nakakalungkot, dahil marami sa aming mga dating nakasama sa showbusiness ang nawawala na. Noong Biyernes at yumao ang dating movie writer at television host na si Anselle Beluso. Namatay din siyang may covid.
Si Anselle noong mawala sa showbiz ay naglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng Couples for Christ. Ginamit niya ang kanyang talent bilang preacher.
Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.
- Latest